Bong Go: Kapaskuhan, gawing ligtas vs virus

Bong Go: Kapaskuhan, gawing ligtas vs virus

December 14, 2021 @ 4:18 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Ipinaalala ni Senate Committee on Health and Demography chairman, Senator Christopher “Bong” Go sa publiko na gawing ligtas ang pagdiriwang ng Kapaskuhan sa pamamagitan ng patuloy na pagsunod sa mandatong health protocols laban sa COVID-19.

Sa kanyang video message sa isinagawang reliefe operations ng kanyang grupo sa vulnerable residents ng Julita at Mayorga, Leyte, nagbabala si Go sa banta ng paglaganap ng COVID-19 Omicron variant kaya idiniin niya ang kahalagahan na mabakunahan na ang mga hindi pa nababakunahan laban sa virus.

“Huwag nating isantabi ang basic protocols, tulad ng pagsuot ng mask, paghugas ng kamay, pag-obserba ng social distancing, at pananatili sa loob ng bahay kung hindi naman kailangang lumabas. Paulit-ulit na ito, kung hindi tayo susunod, mas mahihirapan tayo,” ang paalala ng senador.

“Higit sa lahat, magtiwala tayo sa national vaccine program at magpabakuna na kaagad ayon sa priority order na ipinapatupad. Tuluy-tuloy naman ang pagdating ng bakuna at pinapabilis natin ang rollout nito upang marating natin ang herd immunity sa mga komunidad sa lalong madaling panahon,” idinagdag niya.

Namahagi ang mga staff ng senador ng snacks at masks sa may 1,000 residente sa Barangay Dita covered court sa Julita at Mayorga municipal  gymnasium. Isinagawa ang aktibidad na estriktong nasusunod ang government-issued protocols laban sa COVID-19.

May ilang benepisyaryo ang binigyan ng computer tablets para makatulong sa pag-aaral ng kanilang mga anak sa blended learning activities, mga bagong sapatos at bisikleta para magamit na transportasyon sa araw-araw.

Ang mga kinatawan naman ng Department of Social Welfare and Development ay namahagi ng financial assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation program nito. Nagsagawa naman ang Department of Trade and Industry at Technical Education and Skills Development Authority ng assessments sa mga naghahanap ng alternatibong livelihood opportunities.

“Sobrang hirap ako nung nagka-pandemya. In my case, bumagsak ‘yung organs ko. Halos wala kaming makain, wala kaming pambili ng gamot, wala akong pang-doktor. Mahirap din pumunta ng ospital dahil lockdown. So, ‘yun ‘yung pinagdaanan ‘ko. Hanggang ngayon hindi pa din ako nakaka-recover,” ang kuwento ni Wamalia Lopez, 60.

“Sa ating mahal na President (Rodrigo) Duterte at Senator Bong Go, maraming salamat sa inyong dalawa. Malaki po ang naitutulong niyo sa aming mahihirap. Maganda ang inyong samahan at alam namin na marami pa kayong maitutulong sa buong bansa,” idinagdag niya.

Hinimok ni Go ang mga mahihirap at indigent patients na gamitin ang ibinibigay na serbisyo ng mga Malasakit Center, ang one-stop shop ng mga ahensiyang DSWD, Department of Health, Philippine Health Insurance Corporation at Philippine Charity Sweepstakes Office na nagbibigay ng medical assistance.

“Sa mga pasyente dito, hindi niyo na kailangang bumiyahe para pumila sa iba’t ibang opisina para makahingi ng tulong mula sa gobyerno. Kung may bill kayo, ilapit niyo lang ‘to sa Malasakit Center. Wala itong pinipili. Basta poor at indigent patient ka, qualified ka,” paliwanag ni Go, ang may akda ng Malasakit Centers Act of 2019.

Sa kasalukuyan ay mayroon nang 149 Malasakit Centers sa buong bansa, kabilang ang matatagpuan sa Eastern Visayas Regional Medical Center (EVRMC) sa Tacloban City, New Western Leyte Provincial Hospital sa Baybay City, Ormoc District Hospital,  Leyte Provincial Hospital, Governor Benjamin T. Romualdez General Hospital at Schistosomiasis Center (GBTRGHSC) sa Palo.###