BONG GO: MAG-INGAT SA FAKE NEWS NA DALA NG ELEKSYON

BONG GO: MAG-INGAT SA FAKE NEWS NA DALA NG ELEKSYON

September 15, 2021 @ 8:10 AM 7 days ago

  •  
  •  
  •  

KALIWA’T kanan ngayon ang paninirang ibinabato sa administrasyong Duterte na damay na rin pati ang nananahimik na si Senator Christopher ‘Bong’ Go kaya pinaalalahanan nito ang publiko na maging mapagbantay at huwag agad maniwala sa fake news.

Hindi naman maitatangging kumakalat ang mga mapanira at pekeng balita ngayon dahil sa papalapit na national elections. Tinatarget din ng kabilang kampo si Sen. Go dahil sa pagkamalapit nito sa Pangulo.

Kaya para sa publiko, mabuti nang maging mapanuri sa  mga naglalabasang balita kahit saang platform man ito lumabas dahil tiyak na nililigaw lang sila ng mapagsamantalang grupo na pilit sinisira ang kredibilidad ng administrasyong ito.

Wala talagang pinipiling panahon ang mga ganitong klase ng tao na sa halip na unahin ang pagtatrabaho at pagtulong sa mga kababayan nating nangangailangan sa gitna ng pandemya, mas pinipili pa nilang guluhin ang kasalukuyan nating sitwasyon.

Kung susuriin, wala ring matibay na ebidensya ang mga pinupukol na batikos kay Sen. Go at tila ba lahat na lang ng problema ng bayan ay gusto nang isisi sa kanya.

Ito ay sa kabila ng sipag at pagmamalasakit ng senador na kitang-kita sa mga ginagawa nito at isinusulong na mga panukalang batas para sa ikabubuti ng mga kababayan nating higit na nangangailangan.

Sa katunayan pa nga, nagsabi na sina Sen. Go at Pangulong Duterte na handa silang magbitiw sa pwesto kung mapatutunayang sangkot sila sa mga alegasyong lumulutang ngayon na pilit silang iniuugnay at idinadawit.

Nakalulungkot nga lang na pati ang nananahimik na pamilya ni Sen. Go sa probinsya ay damay na rin sa mga paninirang walang kabuluhan at pawang kasinungalingan lang.

Sa mga panahong tulad nito, nararapat na mas maging mabusisi ang taumbayan sa pagtukoy ng totoong balita mula sa fake news upang masigurong hindi magtagumpay ang pansariling interes ng kabilang kampo.


  •  
  •  
  •