Bong Go: Maharlika Wealth Fund, masusing aralin, ilayo sa pulitika

Bong Go: Maharlika Wealth Fund, masusing aralin, ilayo sa pulitika

December 6, 2022 @ 2:48 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Tiyak na magiging paksa ng mahabang debate, binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go na dapat masusing aralin, mapagkakatiwalaan ang pamamahala at ilayo sa pulitika ang panukalang Maharlika Wealth Fund sakaling ito ay maisabatas.

“Siguro mahabang usapan ‘yan, mahabang debate. Ang importante dito, ang tanong is ‘who will manage? Sino po ang magdadala?’,” ani Go sa isang ambush interview matapos siyang dumalo sa Bicameral Conference Committee meeting sa Manila Golf Club sa Makati City noong Lunes.

“Dapat mapag-aralan ito nang mabuti. Malaking halaga yan. Mahalagang walang masayang na pondo ng bayan lalo na sa panahon ngayon na hirap ang mga Pilipino,” idinagdag niya.

Sinabi ni Go na ang pamamahala sa panukalang pondo na bubuuin ng mga kontribusyon mula sa iba’t ibang institusyong pinansyal, ay dapat pag-aralang mabuti upang matiyak na ito ay malaya sa pakikialam sa pulitika.

Idinagdag niya na kailangan ang credible, competent at trustworthy managers na titiyak na wala ni sentimong masasayang.

“It should be a good manager talaga para walang masasayang na pondo,” ani Go.

“‘Di ba ang pondo ay kukunin mula sa iba pang financial institutions, ngunit ang tanong dito, paano maayos na ima-manage nang hindi mapupulitika, walang pabor-pabor kung saan mapupunta,” ayon sa senador.

Ang House Bill No. 6398, o ang iminungkahing Maharlika Investments Fund (MIF) Act, ay layong mag-establisa ng pondo na magmumula sa mga institusyong pinansyal ng gobyerno at pagkatapos ay ipupuhunan sa iba’t ibang hanay ng merkado, sektor at iba pang mga instrumento sa pananalapi.

Ang Maharlika Investments Corp. na iminungkahing mangangasiwa sa mga pamumuhunan gamit ang MIF, ay itatatag din sa ilalim ng panukala.

Ito ay pamamahalaan ng isang lupon ng mga direktor na binubuo ng siyam na indibidwal na bawat isa ay kakatawan sa isang nag-aambag na GFI.

Inihahambing ng panukala ang Maharlika sa wealth fund ng Singapore na itinatag upang matiyak ang mahusay na pangangasiwa ng mga dayuhang reserba ng bansa sa pamamagitan ng pagbili ng mga asset.

Dagdag dito, binanggit din ang pondo ng Indonesia na nagbigay-daan na mamuhunan ng pera sa lumalaking sektor at sa imprastraktura ng bansa.

Gayunpaman, ilang sektor ang nagpahayag ng pag-aalala na ang panukala ay dapat lagyan ng karagdagang safeguards.

May mga pangamba rin na ang proposed fund ay baka maging kahalintulad ng Malaysia’s 1Malaysia Development Berhad, na kinulapol ng mga alegasyon ng katiwalian.

Si Najib Razak, dating Prime Minister ng Malaysia, ay na-convict sa paglulustay ng bilyon-bilyon mula sa sovereign wealth fund ng bansa noong 2020.

Kaya naman binigyang-diin ni Go na kinakailangan ng mapagkakatiwalaang pamamahala at mga estratehiya para sa pagpapalawak ng pondo upang matiyak na ang mamamayang Pilipino ang makikinabang kung ito ay maia-adopt.

“Paano po palalaguin itong Maharlika Fund na ito at importante talaga dito who will manage,” sabi ni Go. RNT