Bong Go: Marami pang Super Health Center, itatayo

Bong Go: Marami pang Super Health Center, itatayo

December 21, 2022 @ 1:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Alinsunod sa kanyang pagsisikap na palakasin ang healthcare sector, pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go ang lokal na pamahalaan ng Sablayan, Occidental Mindoro sa matagumpay na groundbreaking ng Super Health Center nito noong Lunes na personal niyang dinaluhan.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Go, tagapangulo ng Senate committee on health and demography, mas marami pang Super Health Centers ang itatayo sa mga rural na lugar kung saan nahihirapan ang mga residente na agad magkaroon ng access sa mga pangunahing serbisyong pangkalusugan.

“Napansin ko po sa buong Pilipinas sa kakaikot ko, nakita ko po na napakaraming munisipyo ang kulang sa mga Super Health Center. Wala silang sariling hospital. Minsan po nanganganak sa tricycle o sa jeepney papunta do’n sa ospital (dahil sa mahabang biyahe). Ako nga ngayon papunta dito sa Sablayan, galing po akong Mamburao halos dalawang oras po ang biyahe,” ayon kay Go.

Binanggit ng senador na may sapat na budget na inilaan sa 2022 Health Facilities Enhancement Program para makapagtayo ng hindi bababa sa 307 Super Health Centers sa buong bansa. Upang makapagpatayo pa ng mas maraming SHC, matagumpay ding naisulong ni Go ang karagdagang pondo sa 2023 health budget.

Ang Super Health Center ay isang pinahusay na bersyon ng rural health unit. Nag-aalok ito ng mga serbisyong pangkalusugan, kabilang ang database management, out-patient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: x-ray at ultrasound), pharmacy at ambulatory surgical unit. Ang iba pa ay serbisyo sa mata, tainga, ilong at lalamunan (EENT); oncology centers; physical therapy at rehabilitation center; at telemedicine.

Sa nasabing event, pinasalamat ni Go ang mga frontliners sa kanilang sakripisyo.

“Hindi po nababayaran ng kahit anuman po ang ginawa ninyo sa panahon ng pandemya. Kayo po ang nagbuwis ng buhay, kayo po ang nagbuwis ng inyong sakripisyo, lahat ng ginawa ninyo. Hindi po natin makakamtan ito. Kung mayroon mang dapat pasalamatan, kayo po iyon mga frontliners,” anang senador.

Pagkatapos ng groundbreaking, nagtungo ang senador at ang kanyang team sa Sablayan Astrodome at pinangunahan niya ang relief activity para sa 500 indigents. Namigay sila ng grocery packs, masks, bitamina, pagkain at kamiseta sa mga residente. Namigay din siya ng mga bisikleta, sapatos, relo, at bola para sa basketball at volleyball sa mga piling benepisyaryo.

Batay naman sa kanyang pangako na tulungan ang mas maraming mahihirap na pasyente sa buong bansa, hinimok din ni Go ang mga may problema sa kalusugan na humingi ng serbisyo ng Malasakit Center sa Occidental Mindoro Provincial Hospital sa Mamburao.

Sinimulan ni Go ang Malasakit Centers program noong 2018. Kalaunan ay na-institutionalize ito sa ilalim ng Republic Act No. 11463 na pangunahing iniakda at itinaguyod ng senador sa Senado. Ang Batas ay nag-uutos sa pagtatatag ng Malasakit Centers sa lahat ng mga ospital na pinamamahalaan ng Department of Health at sa Philippine General Hospital upang matiyak na ang mga Pilipinong may kakulangan sa pananalapi ay madaling makakuha ng tulong medikal mula sa gobyerno. Sa ngayon, mayroong 153 operational centers sa buong bansa.

Sinabi ng senador na palaging nakabukas ang pinto ng kanyang opisina at nakahanda siyang tumulong sa abot ng kanyang makakaya.

Bilang vice chair ng Senate committee on finance, naging intrumento rin siya sa pagtatayo ng ilang proyektong pang-imprastraktura sa Sablayan, tulad ng road improvement sa Ibud-Tagumpay-Victoria road at ang pagtatayo ng evacuation center at flood control structure. Nakatulong din siya sa pagkuha ng isang mobile clinic.

Noong araw ding iyon, personal na pinangunahan ni Go ang isa pang relief activity sa bayan para sa 356 mahihirap. RNT