Bong Go: Mental health programs palakasin

Bong Go: Mental health programs palakasin

October 10, 2022 @ 2:30 PM 6 months ago


MANILA, Philippines – Dahil patuloy na nakaaapekto ang pandemya at iba pang mga problema sa kalusugan ng isip ng isang tao, nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa gobyerno na pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang mga programa, partikular sa anyo ng sikolohikal na tulong at suporta para sa mga Pilipino.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangan para sa mga ordinaryong mamamayan na unahin ang kanilang kalusugan sa pag-iisip at para sa lipunan, sa kabuuan, sa pagsasabing hindi basta-basta ang mga isyung ito.

“Marami pong na-depress, maraming talagang tinamaan po noong panahon ng pandemya. Hindi natin maipagkakaila iyan lalung-lalo na po noong panahon ng quarantine, hirap silang mag-adjust,” sabi ni Go matapos niyang inspeksyunin ang ginagawang Super Health Center sa Arakan, North Cotabato.

Sinabi ni Go na maraming Pilipino ang nagdusa ng pagkawala ng hindi lamang kanilang kabuhayan kundi pati na rin ang buhay ng mga taong mahal, kaya binibigyang-diin ang pangangailangan para sa mga isyu sa kalusugan ng isip na matugunan.

“Maraming nawalan ng trabaho, maraming nawalan po ng mahal sa buhay. ‘Yun po ang pinakamasakit doon, ‘yung nawalan ng mahal sa buhay. Kaya importante po ang mga mental health programs,” aniya.

Bilang tagapangulo ng Senate Committee on Health, suportado ni Go ang mga programa sa kalusugan ng isip at ipinunto na ang nakalaang pondo para sa mga ito ay dapat ding unahin sa 2023 national health budget.

“Nagkaroon tayo ng budget allocation na P568 ​​million in 2022 and it will be increase to P1 billion sa 2023 sa NEP, kaya sinusuportahan ko bilang committee chair on health, itong mga mental health programs ng ating gobyerno,” ani Go.

“Importante talaga lalo na apektado tayo nitong pandemya, ang ating iniisip ay nahihirapan talaga ang mga Pilipino,” anang senador.

Upang mabigyan ang mga Pilipino ng mas mahusay na access sa mga interbensyon at pangangalaga sa kalusugan ng isip, ipinunto ni Go na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11036 o ang Philippine Mental Health Act.

Sa partikular, ito ay naglalayong magbigay ng mga serbisyo sa kalusugan ng isip sa antas ng barangay, at pagsamahin ang mga programa sa kalusugang pangkaisipan at wellness sa antas ng katutubo upang ang mga interbensyon ay maramdaman ng mga komunidad. Nilalayon din nitong pahusayin ang mga pasilidad sa kalusugan ng isip at isulong ang edukasyon ukol dito sa mga paaralan at lugar ng trabaho.

“Last October 3, nag-hearing sa Senado, hinihikayat ko na magkaroon ng sapat na pondo para sa ating mental health programs. Importante po ang mental health programs ng ating gobyerno,” idiniin niya.

“Hinihikayat ko ang PhilHealth na bumuo sa lalong madaling panahon ng isang mas komprehensibong pakete ng kalusugang pangkaisipan na kasama rin ang konsultasyon at iba pang serbisyo ng outpatient,” anang pa ng mambabatas. RNT