Bong Go: Mga kailangan ng HCWs agad tugunan 

Bong Go: Mga kailangan ng HCWs agad tugunan 

January 11, 2022 @ 3:10 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Sa gitna ng mabilis na pagtaas ng bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa na posibleng dulot ng mas madaling naililipat na variant ng Omicron, hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga kinauukulan na tiyaking sapat at agad natutugunan ang pangangailangan ng healthcare workers.

Nanawagan din si Go sa mga awtoridad na bilisan ang hiring at deployment ng medical personnel, lalo sa mga critical areas kung saan marami sa healthcare workers ang tinamaan din ng COVID-19.

Pinabibilisan ng senador ang pamimigay ng dapat na matanggap na halaga ng HCWs na naaayon sa guidelines kaya hinikayat niya ang mga kinauukulang ahensya na pabilisin ang proseso sa pagpapalabas ng ipinag-uutos na kompensasyon at allowance para sa kanila.

“Sila ang mga sundalo sa laban na ito kaya ibigay natin ang lahat ng suporta na maibibigay natin sa kanila sa lalong madaling panahon. Tugunan natin ang kanilang mga hinaing at higit sa lahat, pagaanin natin ang kanilang pinapasan sa pamamagitan ng ating disiplina at pagsunod sa mga health protocols,” apela ni Go.

Ilang HCWs ang nagpahayag ng pagkabahala sa pinaikling panahon ng mandatoryong quarantine para sa kanila na nahawaan ng COVID-19 sa pagsasabing maaari itong maglagay sa HCWs sa higit pang panganib.

Ngunit nilinaw ni Go na ang shortened quarantine period sa HCWs ay base sa masusi at maingat na pag-aaral ng mga eksperto.  Hindi naman aniya ito automatic o mandatory sa lahat ng health facilities.

Binibigyan lamang ani Go ng awtoridad ang mga ospital at local health officials na gawin ito sa fully vaccinated healthcare workers kung mayroon talagang sobrang pangangailangan sa manpower.

Si Go ay matagal nang tumitindig para sa interes at kapakanan ng HCWs na itinuturing niyang mga modernong bayani na naglalagay ng kanilang buhay sa frontline sa paglaban ng bansa sa hindi nakikitang kaaway.

Matatandaang nag-akda at nag-co-sponsor siya ng Senate Bill 2421 na magbibigay sa mga HCWS ng nakapirming buwanang COVID-19 Risk Allowance para sa tagal ng kasalukuyang State of Emergency bilang kapalit ng special risk allowance at iba pang pinansyal na kabayaran na ipinagkaloob sa ilalim ng Bayanihan 2.

Nauna rito, humingi si Go ng special risk allowance at iba pang kompensasyon at pinansyal na benepisyo para sa medical frontliners.

Binatikos niya noon ang mga opisyal ng kalusugan dahil sa pagkaantala sa pagpapalabas ng iba’t ibang allowance na dapat bayaran sa HCWs, kabilang ang kompensasyon sa mga namatay.

“Kaya sa budget ngayong taon, ipinaglaban natin na mas lalong madagdagan ang pondo ng DOH para matugunan ang pangangailangan, kasama na ang dagdag na health personnel. Higit P17 bilyon ang inilaan sa pag-hire at deploy ng mga health personnel sa mga probinsya samantalang P4.3 bilyon ang inilalaan natin para sa COVID-19 Human Resource for Health Emergency Hiring,” paliwanag ni Go. RNT