BONG GO: MGA PILIPINO SA UKRAINE TULUNGAN

BONG GO: MGA PILIPINO SA UKRAINE TULUNGAN

March 4, 2022 @ 8:36 AM 4 months ago


SA gulong nagaganap sa Ukraine, nanawagan si Senator Christopher ‘Bong’ Go sa pamahalaan na siguraduhing natutulungan ang mga kababayan nating nagtatrabaho at nananatili sa bansa kabilang na ang ligtas na pagpapauwi sa mga nais umuwi ng Pilipinas.

Talaga nga namang maaaring maipit ang ating mga kababayan sa digmaan sa pagitan ng Ukraine at Russia gayong patuloy pa rin ang palitan ng putok ng magkabilang panig at marami na rin ang naitalang nasawi.

Magandang bagay na rin na agad kumilos ang Department of Foreign Affairs (DFA) na maagap na gumawa ng hakbang upang dalhin ang ating mga kababayan sa Ukraine sa ilang katabing bansa nito habang ang iba ay matagumpay na nakabalik sa Pilipinas.

Sa mga pagkakataong katulad nito nakikita ang kahalagahan ng pagtatatag ng Department of Migrant Workers (DMW) na inaprubahan ni President Rodrigo Roa Duterte sa bisa ng Republic Act No. 11641, kung saan si Sen. Go ang may-akda at co-sponsor. Mas maigting na ngayong makagagawa ng mga panukala at alituntuning tututok sa kapakanan ng mga OFWs.

Dahil din sa epekto ng pandemya ay mas nasaksihan din natin ang iba’t ibang suliraning kinahaharap ng mga OFW na nararapat lamang bigyang-tugon ng pamahalaan bilang sukli sa kanilang hindi matatawarang tulong sa ekonomiya ng bansa.

Mabuti na lamang at sa pagmamahal at malasakit ni Sen. Go sa mga OFW ay talagang isinulong nito ang pagtatatag ng DMW na malaking tulong para gawing maginhawa ang kanilang transaksyon sa pamahalaan, kasama na ang pagsisiguradong nababantayan ang kanilang kapakanan at karapatan sa labas ng bansa.

Bukod naman sa tulong sa mga OFW sa Ukraine ay nanawagan din ng ayuda sa gasolina para sa transportation sector, kabilang na ang mga nasa linya ng pagbiyahe ng agricultural products si Sen. Go na aniya’y mga direktang naapektuhan din ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dulot  ng sigalot sa nasabing bansa.