Bong Go nagalak sa pagtugon ng gobyerno sa apela niyang bakunahan na ang Olympics, SEA Games-bound athletes

Bong Go nagalak sa pagtugon ng gobyerno sa apela niyang bakunahan na ang Olympics, SEA Games-bound athletes

May 31, 2021 @ 4:13 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Nagalak at pinasalamatan ni Senate Committee on Sports chairman, Senator Christopher “Bong” Go ang gobyerno sa pagtugon sa kanyang apela na bakunahan na ang mga Filipinong atleta at delegasyong sasabak sa Tokyo Summer Olympics at sa Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam ngayong taon.

“Nagpapasalamat po tayo at pinakinggan ng gobyerno ang ating naunang apela na bigyang prayoridad ang ating mga atletang sasabak sa Olympics at SEA Games para sa pagpapabakuna,” ayon kay Go.

“Bandila ng Pilipinas at dangal ng lahing Pilipino ang itatanghal ng ating mga atleta sa mga palarong ito. Dapat lamang na bigyan din natin sila ng sapat na proteksyon,” aniya pa.

Sinimulan na ng Philippine Olympic Committee noong Sabado, May 29, ang COVID-19 vaccination drive para sa national athletes na kasali sa kompetisyon.

Kabilang sa mga binakunahan na sina Filipino rower Cris Nievarez, na sasabak sa Tokyo Olympics. Ang mga kasapi ng national volleyball at basketball teams, POC staff, at iba pang opisyal ay nabakunahan na rin.

Bukod sa mga atleta, coaches, staff, maging ang sports media ay nabigyan na rin ng bakuna.

Ipinatutupad ang  “no vaccine, no participation” policy ng organizers ng 2021 SEA Games sa Hanoi na gaganapin sa November 21 hanggang December 2.

“Noong nakaraang 2019 SEA Games, naging kampeon ang Team Pilipinas dahil sa suporta ng buong sambayanang Pilipino. Nagkaisa ang gobyerno, pribadong sektor, at ordinaryong Pilipino para sa ating mga atleta.”

“Masaya po ako na muli tayong nagkaisa upang maibigay muli natin ang suportang kailangan nila hindi lamang sa oras ng kanilang kompetisyon, kundi pati na rin sa kanilang preparasyon at panahon ng kanilang pangangailangan,” ayon kay Go.

Sinabi ni Go na hindi lang basta kompetisyon ang sasabakan ng ating mga atleta bagkus ay kanila na rin itong “source of livelihood” lalo ng mga nanggaling sa kahirapan.

“Marami po sa atleta natin ay nagsikap at nanggaling pa sa malalayong lugar. Sila po ang pag-asa ng kanilang pamilya upang makaahon sa hirap. Ang proteksyon nila ay hindi lang para makapag-compete, kundi pati rin para may maiuwing pagkain, kabuhayan, at kasiyahan sa kanilang mga komunidad na pinanggalingan.”

“Intindihin po natin na maraming nawalan din ng kabuhayan at lahat ‘yan ay may mga pamilyang pinapakain. Kasama na diyan ang mga atleta, coaches at trainers na matagal na tumigil ang kabuhayan dahil sa COVID-19. Kapag nabakunahan sila, hindi lang ito para sa kompetisyon kundi para rin sa kabuhayan nila,” ang paliwanag ni Go.  ####