Bong Go naghatid ng tulong sa Samal Island

Bong Go naghatid ng tulong sa Samal Island

April 4, 2022 @ 2:36 PM 3 months ago


MANILA, Philippines- Personal na pinangunahan ni Senator Christopher “Bong” Go ang isa pang serye ng pamamahagi ng tulong sa Garden City of Samal sa Davao del Norte.

Sa pagkakataong ito, naghatid siya ng ayuda sa iba’t ibang sektoral na grupo sa Barangay Cogon, Libuak at Tagpopongan.

Idinaos ang relief activities sa kani-kanilang barangay hall kung saan nagbigay si Go at ang kanyang team ng mga grocery packs, bitamina, mask, pagkain at kamiseta sa kabuuang 1,500 residente, na binubuo ng solo parents, mangingisda at senior citizens.

Dagdag pa rito, namigay ang senador ng mga bagong pares ng sapatos, bisikleta at computer tablet para sa mga piling indibidwal.

Naroon din ang mga kinatawan mula sa Department of Social Welfare and Development upang bigyan ang bawat residente ng tulong pinansyal upang matulungan silang matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Go ang residente ng isla sa pagsasabing, “Mahal ko ang mga taga-Samal… pinuntahan ko talaga kayo kasi mahal ko ang Samal… magkakapitbahay lang din naman tayo bilang ako rin ay Davaoeño.”

Sinabi ng senadora na magpapatuloy siya sa paglilingkod sa sambayanang Pilipino sa pinakamabuting paraan na kanyang makakaya kahit matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Binigyang-diin niya na tungkulin niyang tiyakin na ang mga Pilipino ay suportado nang husto, lalo na sa panahong ito ng hamon.

“Ako, mahal ko siya (President Rodrigo Duterte) dahil para ko na rin siyang tatay. ‘Pag mahal ninyo ang tatay niyo, hindi niyo gusto na iwanan lalo na sa ganitong sitwasyon. Kaya hindi na ako natuloy na tumakbo. Basta ako, magpapatuloy lang ako sa pagseserbisyo sa inyong lahat sa abot ng aking makakaya,” pangako ni Go.

“Basta hindi ako mangangako. Hindi ako pulitiko na mangangako na kaya kong gawin ito. Hindi ako pulitiko, public servant lang ako. Ang gagawin ko lang ay magserbisyo hanggang sa aking makakaya,” idiniin ng senador.

Hinikayat ni Go ang mga benepisyaryo na bumisita sa Malasakit Centers na matatagpuan sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City at Davao Regional Medical Center sa Tagum City sakaling mangailangan sila ng tulong para sa kanilang medikal na gastusin.

Ang Malasakit Centers Act of 2019, na pangunahing isinulat at itinataguyod ni Go, ay nag-uutos sa lahat ng mga ospital na pinamamahalaan ng Kagawaran ng Kalusugan, kasama ang Philippine General Hospital sa Lungsod ng Maynila, na magtatag ng kanilang sariling mga sentro na magbibigay ng madaling access sa mga programa ng tulong medikal ng pamahalaan.

“Mayroon na tayong Malasakit Center sa Tagum at may mga cancer center sa SPMC. Hanapin lang ninyo ang karatula na Malasakit Center, tutulungan kayo hanggang sa maging zero balance at wala kayong babayaran. Batas na ito na isinulong ko noong una, noong ako’y naging senador, pinirmahan ni Pangulong Duterte,” paliwanag ni Go.

Hinikayat din ng senador ang mga karapat-dapat na residente na lumahok sa pambansang programa ng pagbabakuna.
Umapela rin siya sa mga lokal na awtoridad na tulungan ang kanilang mga residente na mas bulnerable sa COVID-19, tulad ng mga senior citizen, upang matiyak na agad silang mabakunahan.

Noong Marso 30, binisita ni Go at ng kanyang grupo ang mga Barangay Balet, Camudmud, at San Isidro kung saan nagbigay sila ng katulad na tulong sa mahigit isang libong residente. RNT