Bong Go: ‘No vax, no ride policy’ maayos na ipaunawa

Bong Go: ‘No vax, no ride policy’ maayos na ipaunawa

January 21, 2022 @ 3:00 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Pabor si Senator at Senate Committee on Health chairman Christopher “Bong” Go sa anumang imbestigasyon sa patakarang “no vaccine, no ride” kasabay ng pagdidiin na dapat tulungan ang publiko na mas maunawaan ang mga patakarang ipinatutupad sa paglaban sa COVID-19.

“I welcome any investigation, if warranted. Dapat ipaintindi sa tao ang polisiya kaysa pag-awayan ito,” idiniin ni Go.

Ginawa ni Go ang pahayag matapos maghain ang isang mambabatas ng House Resolution No. 2451 noong Martes na humihimok sa mga komite sa kalusugan at transportasyon ng Kapulungan na magsagawa ng magkasanib na pagsisiyasat sa diumano’y “iligal at discriminatory” na patakaran na nagbabawal sa ilang hindi nabakunahang indibidwal na makabiyahe o makasakay sa pampublikong sasakyan sa Metro Manila.

“The ‘no vax, no ride’ policy, I am told, is designed to protect the unvaccinated individuals, considering that 85% of COVID-19 patients at the ICUs requiring mechanical ventilators in DOH hospitals in Metro Manila are not vaccinated,” ipinunto niya.

Muling iginiit ng senador na sinusuportahan niya ang mga kinakailangang hakbang na makatutulong sa pagsugpo sa pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangang makabuo ng isang komprehensibong solusyon upang maprotektahan ang kapakanan ng mga Pilipino habang ang gobyerno ay patuloy na binabalanse ang pampublikong kalusugan at ang ekonomiya.

Ang patakarang ito, kung tutuusin aniya, ay isa lamang sa maraming hakbang sa pandemya, kabilang ang mga alituntunin sa di-mahahalagang paglalakbay, mga protocol sa kalusugan, at mga aktibidad, bukod sa iba pa, na ipinatupad upang i-regulate ang paggalaw ng mga tao lalo na sa gitna ng pagtaas ng bilang ng mga kaso.

Sinabi ni Go na ang nasabing polisiya ay naglalayong tiyakin ang kaligtasan ng riding public at panatilihing tumatakbo ang pampublikong transportasyon sa gitna ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila na nasa ilalim pa rin ng Alert Level 3.

Ayon sa Department of Transportation, 23 pasahero ang nagpositibo sa free, random, at voluntary COVID-19 antigen testing na isinasagawa sa mga riles ng Metro Manila.

Walo sa 96 pasahero ay mula sa Metro Rail Transit 3 (MRT-3), 12 sa 85 ay mula sa Light Rail Transit 2 (LRT-2), at 3 sa 47 ay sa Philippine National Railways (PNR) stations.

Ayon kay Go, bagama’t hindi mandatoryo ang vaccination laban sa COVID-19 at hindi pwede pilitin ang tao, hikayatin pa rin natin ang mga hindi pa bakunado na magpabakuna na dahil maiiwasan natin ang malubhang sakit o maging kamatayan dahil sa COVID-19. RNT