Bong Go: OFW Hospital legasiya, pamana ni PRRD

Bong Go: OFW Hospital legasiya, pamana ni PRRD

January 16, 2022 @ 2:36 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Tiniyak ni Senator Christopher “Bong” Go sa mga Pilipinong migranteng manggagawa na patuloy ang kanyang pangako at ng kasalukuyang administrasyon na poprotektahan at uunahin ang kanilang kapakanan lalo na sa gitna ng patuloy na krisis sa kalusugan.

Ginawa ni Go ang pahayag bilang panauhing pandangal sa “walkthrough” sa kaunaunahang overseas Filipino workers (OFW) Hospital construction site sa San Fernando City, Pampanga noong Biyernes.

Ang “walkthrough” ay pinangunahan ng Department of Labor and Employment, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Health, Provincial Government ng Pampanga at Bloomberry Cultural Foundation Inc. (BCFI).

Ginawa ang aktibidad bilang paghahanda sa ceremonial turnover ng ospital sa Marso, kasabay ng ika-77 kaarawan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Go, chairman ng Senate Committee on Health and Demography, ay nagpahayag ng kanyang kumpiyansa na ang pagtatatag ng ospital ay makatutulong upang mas maprotektahan ang kapakanan ng mga ‘modernong bayani’ ng bansa.

“Ngayon, nasasaksihan natin ang paglalahad ng isa pang pamana ni Duterte na maggagarantiya ng dekalidad na pangangalagang pangkalusugan sa ating mga modernong bayani — ang ating ooverseas Filipino workers,” sabi ni Go.

“Ang pagtatayo ng ospital ng OFW ay hindi lamang isang pangarap na natupad kundi isang natupad na pangako na nagsisilbing patunay kung gaano pinahahalagahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sakripisyo at kontribusyon ng ating mga minamahal na OFWs,” patuloy niya.

Inilabas ni Pangulong Duterte ang Executive Order No. 154 noong Disyembre 7, 2021 na nag-uutos sa pagtatatag ng ospital ng OFW at paglikha ng Inter-Agency Committee na co-chaired ng Secretary of Labor and Employment at Secretary of Health.

Ang ahensiya ay bubuuin din ng Secretary of Budget and Management, Administrators ng Overseas Workers Welfare Administration at Philippine Overseas Employment Administration, at dalawang kinatawan mula sa pribadong sektor na itinalaga ng Pangulo.

“Maraming maraming salamat po sa DOLE, OWWA, DOH, Provincial Government of Pampanga, Bloomberry Cultural Foundation Inc., at sa ating mga medical workers.”

“Dahil sa inyong ipinamalas na dedikasyon at pagmamalasakit sa ating mga OFW, naisakatuparan ang isa sa mga pangako ni Pangulong Duterte na siguradong makapagbibigay ng karagdagang kaginhawaan para sa ating mga kababayan. Mabuhay ang OFW Hospital. Mabuhay ang mga bayaning OFWs!” pahayag ng senador.

Ang ospital ay isang 6 palapag na pasilidad na may 100-bed capacity na pangunahing magsisilbi sa OFWs at kanilang kwalipikadong dependent.

Bukod sa pangangalagang medikal, magsasagawa rin ang pasilidad ng pananaliksik sa pag-iwas, pangangalaga at paggamot sa mga sakit sa trabaho na karaniwan sa mga OFW gayundin ang pagbibigay ng espesyal na pagsasanay para sa mga manggagawang pangkalusugan sa pagpapatupad ng mga serbisyong pangkalusugan sa trabaho na partikular sa OFW.

Nagsimula ang konstruksyon noong Enero 2021 at naging posible sa P521.8 milyong donasyon mula sa BCFI.

“Kamakailan lamang ay nilagdaan ni Pangulong Duterte ang pagtatag ng Department of Migrant Workers at ngayon ay bubuksan na ang OFW Hospital. Patunay lamang ito kung gaano kamahal at pinapahalagahan ni Pangulong Duterte ang ating bayaning OFWs,” idiniin ni Go.

Masugid na tagapagtaguyod ng karapatan ng mga migranteng manggagawang Pilipino, naging instrumento si Go sa pagsasabatas ng Republic Act No. 11641 noong Disyembre 30, na lumikha ng Department of Migrant Workers.

Ang bagong tatag na departamento ay magsisilbing pangunahing ahensya para sa pagbabalangkas at pagpapatupad ng mga patakaran, plano at programa na magtitiyak ng proteksyon, pagtataguyod ng mga interes, napapanahong paglutas ng mga problema, at epektibong muling pagsasama ng mga migranteng manggagawa.

“Congratulations po sa ating OFWs. Matagal nilang ipinaglaban ang departamentong ito at ngayon ay maisasakatuparan na po. Para po ito sa inyo. Nakatalagang departamento na handang magbigay ng mga serbisyo sa inyo. Tapos na po ang panahon na pagpapasa-pasahan pa kayo ng iba pang ahensya,” anang mambabatas. RNT