Bong Go: Pagsugpo sa dengue, pagtulungan

Bong Go: Pagsugpo sa dengue, pagtulungan

July 18, 2022 @ 2:45 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Hinimok ni Senate committee on health chair, Senator Christopher “Bong” Go ang pambansang pamahalaan, local government units, pribadong sektor at mga komunidad na pag-ibayuhin ang pagtutulungan upang masugpo ang tumataas na kaso ng dengue sa bansa.

Inihayag ni Go ang kanyang pagkabahala sa pagtaas ng kaso ng dengue sa 15 sa 17 rehiyon sa bansa at sinabing nalampasan na nito ang kabuuang bilang ng mga kaso noong nakaraang taon.

“Ako ay talagang nababahala sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng dengue sa karamihan ng mga rehiyon sa buong bansa. Lampas na sa ilang bilang ng mga kaso ng nakaraang taon ang mga naitalang kaso ng dengue sa ngayon,” ani Go.

Nanawagan ang senador sa Department of Health, LGUs, pribadong sektor at komunidad na magtulungan at ipatupad nang mas mahigpit ang diskarteng 4-S laban sa dengue.

Kasama sa estratehiya ang (1) “Hanapin at Wasakin” ang mga lugar ng pag-aanak ng lamok, (2) “Secure Self Protection” mula sa kagat ng lamok, (3) “Humingi ng Maagang Konsultasyon” kapag may mga palatandaan at sintomas ng dengue, at (4) “Say Yes to Fogging”.

Isang major public health concern, ang dengue ay isang sakit na dala ng lamok na mabilis na kumalat lalo kung may mga espasyo o lalagyan na may stagnant na tubig. Ang mga lugar na ito ay kilalang pinagmumulan ng mga lamok na dapat mabawasan.

Iniulat ng DOH na 64,797 kaso ang naitala sa buong bansa sa pagitan ng Enero 1 at Hunyo 25. Ito ay mataas ng 90% mula sa parehong panahon noong nakaraang taon. Samantala, 274 indibidwal ang namatay dahil sa dengue ngayong taon, kumakatawan sa case fatality rate na 0.4%.

Ayon sa Department of Health, nakababahala ang tumataas na kaso ng dengue sa bansa dahil sa ilang severe cases na ang ilan ay nakaratay sa mga ospital.

Nauna rito, pinayuhan ng senador ang mga Pilipino na panatilihin ang wastong kalinisan sa mga tahanan at paligid upang maiwasan o mapangasiwaan ang mga potensyal na paglabas ng mga sakit na dala ng tag-ulan tulad ng dengue fever habang ang bansa ay nakikipagbuno pa rin sa pandemya.

“Malaki po ang epekto ng malinis na kapaligiran sa pag-iwas natin sa mga sakit. Kaya naman umaasa ako sa mga komunidad na panatilihing malinis ang ating kapaligiran, lalo na kapag may stagnant water na pinamamahayan ng mga lamok,” sabi ni Go.

“Panatilihin din nating malinis ang mga eskwelahan lalo’t marami na ang nagsasagawa ng face-to-face classes,” dagdag niya.
Pinaalalahanan din ng senadora ang mga Pilipino na maaari silang humingi ng tulong medikal sa gobyerno sa pamamagitan ng alinman sa 151 Malasakit Centers sa buong bansa.

“Lapitan niyo lang, mayroon kayong Malasakit Center. Kung mayroon kayong kailangan, lapitan niyo lang ako, ako na ang tutulong sa inyo,” paniniyak ni Go, ang principal author at sponsor ng Malasakit Centers Act.

Iminungkahi rin ng senador ang pagtatatag ng Super Health Centers sa mga pangunahing lugar sa buong bansa upang mapabuti ang access sa mga de-kalidad na serbisyong pangkalusugan ng publiko. RNT