Bong Go patuloy ang pagtulong sa cancer patients

Bong Go patuloy ang pagtulong sa cancer patients

February 18, 2022 @ 4:30 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Muling pinagtibay ni Senate Committee on Health chair, Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang pangako na susuportahan ang mga programa at hakbang na makatutulong sa pagpapagaan ng pasanin ng mga Pilipinong pasyente ng kanser.

Ginawa ni Go ang pahayag, kasabay ng ikatlong taon ng National Integrated Cancer Control Act o  Republic Act 11215 na nilagdaan ng Pangulo noong Pebrero 14.

Sumama sa paggunita sa paglagda ng NICCA sa Acacia Hotel, Davao City, muling pinuri ni Go ang fighting spirit ng mga Filipino cancer patients at hinimok silang huwag mawalan ng pag-asa habang patuloy na pinalalakas ng gobyerno ang mga programang tutulong sa kanila.

Noong 2018, malaki ang naitulong ni Go sa pagpapagamot kay John Paul Culiao, isang batang may leukemia.  Naging malapit si Go kay Culiao at ipinagdiwang pa ng senador ang ikaanim na kaarawan ni Culiao sa Philippine Children’s Medical Center noong 2019.

“Alam ko po kung gaano kahirap ang inyong paglalakbay kaya naman kailangan na kayo ay mabigyan ng suporta dahil naniniwala ako na each and every one of you deserves to live your life to the fullest,” anang senador.

“Patuloy kong susuportahan nang buo ang lahat ng mga programa at patuloy na magsisikap na makatulong na mapagaan ang pasanin na dinadala ng mga pasyente ng kanser at kanilang mga pamilya,” pangako niya.

Tinitiyak ng NICCA ang pagkakaloob ng mga dekalidad na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan at proteksyon sa pananalapi sa mga pasyente ng cancer sa pamamagitan ng paggamit ng pinagsama-sama at komprehensibong diskarte sa pag-unlad ng kalusugan.

Itinatag din ng batas ang National Integrated Cancer Control Program na naglalayong pigilan ang pagkamatay mula sa cancer sa pamamagitan ng pagbibigay ng “affordable at accessible” na medikal na paggamot.

Ang pinakabagong data mula sa Philippine Cancer Facts and Estimates ng Department of Health ay nagpapakita na ang insidente ng cancer ay hanggang walong pagkamatay bawat araw para sa childhood cancer at hanggang 11 bagong kaso at pitong pagkamatay kada oras para sa adult cancer.

Pinuri rin ng senador ang House of Hope, isang charity organization, sa dedikasyon nitong pagsilbihan at tulungan ang cancer patients.

Itinatag bilang Davao Children’s Cancer Fund Inc. noong 2004, ang House of Hope ay tumutugon sa mga pangangailangan ng mga batang may kanser sa Mindanao.

Taun-taon, ginagawa naman ni Pangulong Duterte bilang tradisyon ang pagbisita sa mga pasyente ng cancer tuwing Pasko, kaarawan, at Araw ng mga Puso.

Ipinagpapatuloy rin ng Pangulo ang kanyang pangako sa mga batang ito sa pamamagitan ng pagtulong sa paglikom ng pondo para sa organisasyon.

“Ang kwento ng House of Hope ay kwento po ng malasakit.  Malapit kay Pangulong Rodrigo Duterte ang bahay na ito.  Makasaysayan ang tahanan na ito kaya naman mahalaga na atin itong suportahan at pahalagahan,” ayon kay Go.

Ang mga pasyente ng cancer ay palaging prayoridad ng Pangulo.  Noong 2011 ay kanyang ipinagkaloob ang sarili niyang bahay para sa mga cancer patients para sila ay may matuluyan habang nagpapagaling.

“At ito po (House of Hope) ‘yung bahay na iyon,” sabi ni Go. RNT