Bong Go pinuri si PRRD sa pagpapataw ng MRP sa 71 drug formula

Bong Go pinuri si PRRD sa pagpapataw ng MRP sa 71 drug formula

December 8, 2021 @ 12:03 PM 10 months ago


MANILA, Philippines – Pinuri ni Senador Christopher “Bong” Go si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglagda sa isang executive order na nagpapataw ng Maximum Retail Price (MRP) at/o Maximum Wholesale Price (MWP) sa 71 drug formula, kasunod ng EO No. 104 na naunang nilagdaan ng Pangulo noong Pebrero 17, 2020.

“Nagpapasalamat po ako sa ating mahal na Pangulo sa pag-apruba ng ating rekomendasyon na paigtingin pa lalo na ang access ng mga Pilipino sa murang gamot lalo na ngayong may pandemya,” sabi ni Go.

“Patuloy po tayong magtatrabaho para maging mas mabilis, maayos at maaasahan ang serbisyong pang-medikal sa ating bansa,” idinagdag niya.

Ang bagong nilagdaang EO No. 155 ay nagbibigay ng regulasyon sa presyo sa pamamagitan ng pagpapataw ng MRP at MWP sa mga nalalabing gamot at medisina sa ilalim ng EO No. 104.

Kasama sa mga sakop na gamot ang mga tumutugon sa mga malalang sakit tulad ng cardiovascular disease, diabetes, hypertension, cancer, at talamak na obstructive pulmonary disease, pati na rin ang mga immunosuppressant na gamot para sa Parkinson’s disease, glaucoma, sakit sa balat, at iba pa.

Inaatasan din nito ang bawat manufacturer, importer, distributor, wholesaler, trader o retailer ng mga medisina na ipakita ang retail na presyo.

Ang mga MRP at MWP ay sasailalim sa pagsusuri ng Kagawaran ng Kalusugan, sa konsultasyon sa Department of Trade and Industry, 6 buwan pagkatapos ng bisa ng EO at bawat 6 buwan makaraan.

Samantala, tutulungan naman ng Presidential Communications Operations Office ang DOH sa pagpapakalat ng impormasyon sa price regulation.

Noong Pebrero 2020, nilagdaan ni Duterte ang EO No. 104 na kumokontrol sa MRP at MWP sa “mga piling gamot o medisina na may kabuuang 87 molekula ng gamot o 133 na formula ng gamot.”

“Daming nawalan ng trabaho at hanapbuhay. Ngayon pa lang nakakabangon. Kaya malaking bagay ito para sa mga apektadong Pilipino,” ani Go.

“Napakaimportante ng buhay ng bawat Pilipino. Gagawin natin ang lahat ng ating makakaya para maproteksyunan ito,” ayon kay Go.

Tiniyak ng senador sa publiko na patuloy nilang pagsisilbihan at poprotektahan ni Pangulong Duterte ang kapakanan at interes ng mga Pilipino, lalo na ang mga pinakabulnerableng sektor ng lipunan at mga susunod na henerasyon.

Upang higit na mapabuti ang access ng mga Pilipino sa dekalidad na pangangalagang pangkalusugan, isinusulong din ni Go ang pagtatayo ng mga “super hospitals” sa bawat rehiyon sa bansa. RNT