Bong Go, PRRD suportado si Pacquiao vs Spence

Bong Go, PRRD suportado si Pacquiao vs Spence

July 7, 2021 @ 4:53 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Sa kabila ng isyung kinakaharap ng kapwa senador na si Manny Pacquiao at ng mga lider ng ruling party Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-LABAN), sinabi ni Senator Christopher “Bong” Go na siya at si Pangulong Rodrigo Duterte ay suportado ang boxing icon sa nalalapit na laban kay American Errol Spence Jr.

“Actually, nagkausap kami ni Pangulong Duterte tungkol dyan. Bilang Pilipino, suportado namin si Senator Manny sa kanyang laban,” ayon kay Go na binisita ang mga nasunga sa Cainta, Rizal nitong Martes.

“Personally, gusto ko manalo si Senator Manny sa laban. Pilipino tayo, isa pong karangalan na manalo para sa bayan, sa ating bandila. Kami po ni Pangulong Duterte, suportado namin si Senator Manny sa kanyang laban sa susunod na buwan,” anang mambabatas.

Sinabi ni Go na nananatili ang pagkakaibigan nila ni Pacquiao sa kabila ng nangyayaring gusot sa partido.

“Kami naman po ni Senator Pacquiao, magkasama kami sa partido. Kasama kami sa Senado. Magkaharap lang kami ng upuan at nag-uusap kami.”

“Sabi ko magkaibigan naman tayo, sabi ko di ako threat kasi di ako interesado. I’m not interested sabi ko nga. Please count me out dahil di po ako interesado sa 2022 eleksyon,” ayon kay Go.

Umaasa siya na ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan nina Duterte at Pacquiao’ ay mareresolba dahil nagkakaisa naman sila sa iisang layunin–ang sugpuin ang katiwalian sa bansa.

“Dito lang po ako para makapagtrabaho and hopefully sana po pagdating ng panahon, pulitika lang naman po ito, sana po pagdating ng panahon magkabati na rin po at magkaayos sila dahil pareho naman kaming taga-Mindanao ni Senator Manny at ni Pangulong Duterte,” sabi ni Go.

“Pero sa kampanya laban sa korapsyon, iisa kami. Sabi ko nga iisa kami ni Pangulong Duterte na labanan po ang korapsyon sa gobyerno. Kung meron kayong alam, isumbong n’yo na po. Di naman po pwede na fishing expedition at huhulaan lang natin sino ang sangkot,” ayon pa sa senador. ####