Bong Go: PRRD wala pang napipiling bibitbitin sa pagkapangulo

Bong Go: PRRD wala pang napipiling bibitbitin sa pagkapangulo

December 11, 2021 @ 4:54 PM 10 months ago


Manila – Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go na wala pang napipisil si  Pangulong Rodrigo Duterte na opisyal na susuportahan sa pagkapangulo sa halalang 2022.

 

“Sa ngayon po base po sa pag-uusap namin, sa ngayon wala pa po. At ako nag-aantay na lang po ako kung sino po ‘yung ieendorso niya,” ayon kay Go sa kanyang pagbisita sa mga nasunugan sa Barangay 775, San Andres, Manila.

 

“I’m willing to wait kung sino po ang ieendorso niya, iyon rin po ang aking susuportahan. Iisa lang naman po kami ni Pangulo,” ani Go.

 

Idiniin ni Go na susuportahan ng administrasyon ang kandidatong titiyak na maipagpapatuloy ang Duterte legacy maging ang pagsisikap na marekober ang bansa sa pandemya.

 

“Ako naman, sinabi ko kung sino ‘yung makakapagpatuloy ng mga pagbabagong naumpisahan ni Pangulong Duterte. ‘Wag lang putulin ‘yung magagandang programa – Build, Build, Build program, itong COVID response natin maganda na ang takbo, ipagpatuloy n’yo lang po sana,” anang senador.

 

Pinabulaanan ni Go ang mga lumalabas na espekulasyong may napili na ang Pangulo na dadalhing kandidato sa pagkapresidente sa pagsasabing  “That’s not true, wala pong ganoong balita. At ako po’y nag-aantay kay Pangulong Duterte kung sino po ‘yung susuportahan niya.”