Bong Go sa AFP, PNP: Suportahan ang PBBM admin

Bong Go sa AFP, PNP: Suportahan ang PBBM admin

January 18, 2023 @ 4:15 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sa gitna ng mga bali-balitang destabilisasyon, hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang militar at pulisya na magkaisa at ipagpatuloy ang pagsuporta sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Ayon kay Go, sa panayam matapos ang inagurasyon ng multipurpose building sa Barangay Batasan Hills, Quezon City, inihalal ng taongbayan si Pangulong Marcos ay ginagawa naman niya ang lahat para sa bansa.

“Nagtatrabaho po s’ya. Nakita n’yo naman po napakasipag po ng ating Pangulong Marcos,” ani Go.

Sa gitna ng mga tsismis tungkol sa planong destabilisasyon, iginiit ni Go na ang militar ay nananatiling isang propesyonal na yunit at gagawin ang kanilang mga tungkulin at responsibilidad batay sa sinumpaang mandato at sa abot ng makakaya.

Sinabi ng senador makatutulong sa pagsuporta sa Armed Forces of the Philippines ang pagtatalaga kay Eduardo Año bilang National Security Adviser at Carlito Galvez Jr. bilang Defense Secretary.

“Ang ating Armed Forces, with Secretary Galvez, nandidiyan, mas ma-stabilize po niya ang Department of National Defense, ang ating Armed Forces. Magaling po si Secretary Galvez, napaka-fair, level-headed at napaka-competent,” ani Go.

“Magaling na sundalo, magaling na secretary, at it was proven during his tenure… sa Marawi siege, napaka-level-headed, napakakalma po during pressure time. So ngayon, I’m sure kaya n’ya po bilang Secretary of National Defense,” dagdag ng senador.

Noong Linggo, pinagtibay ni Pangulong Marcos ang pagtatalaga kay Galvez bilang kalihim ng DND sa pagsasabing ang rekord ng tagumpay sa pagtataguyod ng kapayapaan at seguridad ay siyang pangunahing dahilan sa kanyang pagkakatalaga.

Sa kabilang banda, binanggit naman ni Marcos na ang mahabang karanasan at katalinuhan ni Año ang dahilan kaya itinalaga niya ito sa posisyon bilang NSA secretary.

Ipinaabot ni Go ang kanyang pagbati kina Galvez at Año sa kanilang appointment sa kani-kanilang posisyon.

“And of course, congratulations din po. Aside sa congratulations po kay Secretary Galvez, congratulations din po kay Secretary Año. Ito po ‘yung mga nagtrabaho po sa previous administration, kay (dating) Pangulong Duterte,” sabi ni Go.

“Napatunayan na po na talagang nagtatrabaho, nagseserbisyo sa mga kababayan natin. Tested na po ito.

Hindi lang po sa giyera kundi sa pakikipaglaban para sa interes ng bayan. Ako po ay naniniwala na si Secretary Año ay malaki po ang maitutulong and, of course, Secretary Galvez, napakalaki po ang maitutulong sa administrasyon ni Pangulong Marcos,” ayon sa senador.

Sa huli, binigyang-diin ni Go ang mahalagang papel ng militar at pulisya sa pagtataguyod ng demokrasya at pagprotekta sa taongbayan.

“Bilang inyong senador at vice chairman po ng Committee on National Defense and (Committee on) Peace and Order sa Senado, hinihikayat ko po ang Armed Forces at mga pulis na suportahan po natin ang ating Pangulong Bongbong Marcos, Jr. dahil inihalal po siya ng taumbayan,” ani Go.

Si Go ay matagal nang tagapagtaguyod ng karapatan at kapakanan ng militar at pulisya.

Bago pa man maupo sa Senado, naging instrumento si Go, noo’y Special Assistant noon ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa pagsusulong ng pagtaas ng suweldo ng militar at unipormadong tauhan sa gobyerno. RNT