Bong Go sa boluntaryong paggamit ng facemask kahit sa mga iskul ‘DAPAT BAKUNADO PARA PROTEKTADO’

Bong Go sa boluntaryong paggamit ng facemask kahit sa mga iskul ‘DAPAT BAKUNADO PARA PROTEKTADO’

November 4, 2022 @ 2:22 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Kasunod ng buong pagpapatupad ng face-to-face classes, hinikayat ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga mag-aaral at opisyal ng paaralan na manatiling mapagbantay at sumunod sa mga kinakailangang protocol sa kalusugan sa gitna ng anunsyo ng Department of Education na nagpapahintulot sa boluntaryong paggamit ng facemask sa loob ng mga silid-aralan.

“As I have been saying many times before, while I welcome science-based policies and measures that will help us renormalize our lives again, such as the voluntary wearing of masks indoors and outdoors, we should still not be complacent as the threat of an unseen and evolving enemy remains,” idiniin ni Go.

“Kung hindi naman sagabal o mahirap, hinihikayat ko ang lahat lalo na ang kabataan na magsuot pa rin ng masks. Ito ay bilang proteksyon hindi lang sa ating mga sarili kundi maging sa mga kapamilya nating mahihina ang resistensya, mga matatanda, sakitin at hindi pa bakunado. Huwag lang muna tayong magkumpyansa,” dagdag niya.

Noong Oktubre 28, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang Executive Order No. 7 na nagpapahintulot sa opsyonal na paggamit ng mga face mask sa panloob at panlabas na mga setting sa pagsasabing ito ay “isang positibong hakbang patungo sa normalisasyon”.

Gayunpaman, ang paggamit ng facemask ay dapat pa ring ipatupad sa mga pasilidad ng pangangalagang pangkalusugan, mga sasakyang pang-medikal at pampublikong transportasyon sa lupa, hangin o dagat.

Kaugnay nito, kinumpirma ng tagapagsalita ng DepEd na si Michael Poa, noong Nobyembre 1, na malapit nang maglabas ang ahensya ng inamyendang DepEd Order.

Samantala, muling nanawagan si Go sa mga magulang ng mga bata na bigyan sila ng kumpletong dosis ng mga bakuna sa COVID-19 at booster shot, sa pagsasabing ang mga bakuna ay susi sa pagbabalik sa normal ng bansa.

“Dagdag pa rito, patuloy ang aking apela sa mga hindi pa bakunado na magpabakuna na, lalo na ang booster, dahil ito lang ang susi natin para tuluyang malampasan ang pandemya,” ani Go.

Masyado ani Go na mababa ang booster rate sa bansa, isa sa mga pinakamababa sa buong Southeast Asian region. Noong Nobyembre 1 — halos 48% lang ng mga batang may edad 5-11 ang nabakunahan.

Ang unang booster dose uptake ay nananatiling mababa sa buong bansa sa lahat ng mga pangkat ng edad sa humigit-kumulang 26% ng target na populasyon, ani Go.

“Inuulit ko: dapat bakunado para protektado,” iginiit ng senador.

Ikinokonsidera na ang in-person classes ay makapagpapalakas sa socio-emotional competencies at makababawas sa puwang sa mga oportunidad, sinabi ni Go na tiwala siya na ang pagbubukas ng mga pisikal na klase ay isa sa maraming indikasyon na nakakamit na ang pandemic recovery.

Gayunpaman, binigyang-diin ni Go sa gobyerno na palaging unahin ang pagpoprotekta sa kapakanan ng mga mag-aaral dahil patuloy pa rin aniya ang bansa na lumalaban sa pandemya ng COVID-19.

Hinikayat din niya ang mga opisyal ng paaralan na lumikha ng mga diskarte sa pag-iwas at interbensyon na tutugon sa mga pangangailangan ng kanilang mga mag-aaral at tulungan ang gobyerno sa paglaban sa mga sitwasyon ng krisis. RNT