Bong Go sa CA colleagues: Ad interim appointment ng 115 AFP off’ls ikonsidera

Bong Go sa CA colleagues: Ad interim appointment ng 115 AFP off’ls ikonsidera

May 31, 2022 @ 3:38 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Bilang miyembro ng Commission on Appointments (CA) at tagapagtaguyod ng kapakanan ng mga unipormadong tauhan ng bansa, umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa mga kapwa mambabatas na ikonsidera ang ad interim appointment ng natitirang 115 matataas na opisyal ng Armed  Forces of the Philippines na nakabinbin ang kumpirmasyon.

Noong Lunes, pinasalamatan ni Go ang CA sa pagbibigay prayoridad sa kumpirmasyon ng 17 Generals at Flag Officers, ngunit umapela rin na ikonsidera ang kumpirmasyon ng mga nakabinbin pa sa CA committee on national defense.

“Having said that, Mr. Chair, I would like to also take this opportunity to appeal to our fellow CA members, and to you, Mr. Chairman, Congressman Jonjon Ferrer, our Vice Chairman Senator Ping Lacson, nandito po siya ngayon, and to you our Senate President Vicente Sotto for your consideration and understanding for the remaining senior military officers who are pending consideration of this Committee,” ani Go sa kanyang manipestasyon.

“Ang kanila pong pagsasakripisyo at katapatan para sa bayan lalung-lalo na po sa panahon ng pandemya ay walang katulad.  Hindi po sila tumigil sa pagseserbisyo para sa kapwa nila Pilipino kahit na buhay nila ang nakataya,” idiniin niya.

Binigyang-diin din ni Go ang mahalagang papel ng mga tauhan ng militar ng bansa sa pagtiyak ng kapayapaan at seguridad ng bansa.

Ikinabahala niya na ang pagkaantala sa appointment ng ilang matataas na opisyal ng militar sa CA ay maaaring magdulot ng domino effect sa iba pang tauhan na nakatakda ring ma-promote.

Nangako ang senador na ipagpapatuloy niya ang kanyang buong suporta sa militar ng bansa at binigyang-diin na ang kanilang kapakanan at interes ay kanyang ipaprayoridad kahit tapos na ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ginoong chair, dadaan sila muli sa napakatagal na proseso para makapag-secure ng mga dokumento para sa kanilang appointment papers, napakakapal po ng requirements, kung hindi po sila papalarin na ma-confirm bago matapos ang Kongresong ito,” iginiit ni Go.

“Alam naman natin na ‘yung ibang documentary requirements ay mayroon pong period of validity.  Eight months po silang madi-delay because some of them were appointed December pa po of 2021. And with the new law, from ten years to eight years ma-attrite na sila.  Apektado rin po sila sa effectivity of the new law,” patuloy ni Go.

Binanggit din ng senador na ang ilan sa mga promosyon na ito ay nakabinbin mula pa noong Disyembre ng nakaraang taon.

Hinikayat niya ang kanyang mga kasama sa Senado na unahin ang nasabing promosyon upang matiyak na ang mga matataas na opisyal ng militar ay hindi mapagkaitan ng nararapat sa kanila.

Ipinunto ng senador na ang promosyon ng mga opisyal ng militar ay hindi lamang magpapasigla sa kanila at magpapalakas ng kanilang moral, bagkus ay magpapalakas at magpapatatag din sa organisasyong militar.

“Bilang miyembro po ng CA, ako na po ang nagpaparating sa inyo dahil alam kong wala sa mga Colonel ang maglalakas loob na makiusap at magsalita,” sabi ni Go.

Sa pagtatapos ng kanyang manifestation, kinilala ni Go ang presensya ng mga uniformed personnel na inaasahang aangat sa kanilang mga karera.

Kabilang sa mga opisyal ay sina Lieutenant General William Gonzales at Major Generals Wilbur Mamawag, Ignatius Patrimonio, Camilo Ligayo, Charlton Sean Gaerlan, Jonas Lumawag, Romulo Manuel Jr., at Araus Robert Musico.

Ipinaabot din niya ang kanyang suporta sa pansamantalang appointment nina Brigadier Generals Fermin Carangan, Adonis Ariel Orio, Glenn Jun Calambuhay, Marvin Licudine, at Consolito Yecla;  Vice Admirals Rommel Anthony Reyes at Alberto Carlos;  Commodore Francisco Tagamolila Jr.;  at Rear Admiral Renato David.

Samantala, pinasalamatan ni Senator Panfilo “Ping” Lacson si Pangulo Duterte sa patuloy na pagkilala,  papuri sa sakripisyo at pagbibigay prayoridad sa kapakanan ng armed forces.

“Let me just express my gratitude, on behalf of all retired and active military personnel kindly convey to the President, our profoundest gratitude for caring for the welfare of all retired and active military officers,” ani Lacson. RNT