Bong Go sa councilors league: ‘MAGING TAPAT TAYO SA TUNGKULIN’

Bong Go sa councilors league: ‘MAGING TAPAT TAYO SA TUNGKULIN’

March 12, 2023 @ 3:32 PM 2 weeks ago


Pinaalalahanan ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga kapwa lingkod-bayan sa pambansa at lokal na antas na magtulungan upang maiangat ang buhay ng mga Pilipinong nangangailangan, lalo na ang mga mahihirap tungo sa pagbangon at pag-unlad.

“Bilang mga halal na opisyal, lagi nating dapat tandaan na binigyan tayo ng mandato upang maglingkod sa bayan. Tungkulin natin na magtulungan upang makuha ang tiwala at kumpiyansa ng taumbayan sa atin. Pagsikapan natin na maging tapat sa ating tungkulin at ilagay ang kapakanan ng bawat Pilipino sa ating mga prayoridad,” ayon kay Go.

Si Go ay personal na dumalo sa Philippine Councilors League (PCL) National Convention, may temang “Commencing the Digital Information and Communications Technology for Nationwide Policy Development” sa World Trade Center sa Pasay City.

“Mahalagang tandaan nating lahat na ang mga halal na opisyal, sa national man o local, ay mayroong iisang layunin: ang maglingkod sa taumbayan. Kahit may kaunting pagkakaiba ang ating mga trabaho, iisa lang ang ating layunin: ang mapabuti ang pamumuhay ng bawat Pilipino. Iisa ang ating bisyo, ang magserbisyo,” ani Go sa kanyang talumpati sa harap ng mga konsehal mula sa iba’t ibang lupalop ng bansa.

“You are superstars in your own right. Halal po kayo ng taumbayan… Ngunit isa lang po ang gusto kong ipaalala sa inyo. Pwede bang unahin po natin ang kapakanan ng mga kababayan nating mahihirap? ‘Yung mga walang matakbuhan, ‘yung mga helpless, hopeless kung ‘di tayo po, ang nasa gobyerno ang inaasahan nila,” apela ni Go.

“Magkasama po tayo sa pakikipagtulungan sa ating kapwa Pilipino… sa totoo lang pareho ang trabaho natin. Ang pinagkaiba lang po kayo nasa municipal o city level, habang kaming mga senador naman po ay nasa national level,” paliwanag niya.

Bilang senador, tiniyak ni Go na nananatili siyang dedikado sa pagtiyak na ang mga Pilipino, partikular ang mahihirap, ay makakukuha ng kinakailangang suporta mula sa gobyerno.

Naging instrumento si Go sa iba’t ibang hakbang na nakasentro sa mga tao, tulad ng Republic Act No. 11463, o kilala bilang Malasakit Centers Act of 2019, na pangunahin niyang iniakda at itinaguyod.

“Sa loob ng limang taon, ang Malasakit Center, na nagsisilbing one-stop shop para sa mga programang tulong medikal, ay naging instrumento sa pagtulong sa milyun-milyong Pilipino sa 156 operational centers nito sa buong bansa,” banggit niya.

Nagsisilbing pinuno ng Senate committee on health and emography, prayoridad niyang palakasin ang pangangalagang pangkalusugan lalo na sa mga katutubo.

Sa pagsisikap ni Go at sa suporta ng kanyang mga kasama, may sapat na pondong inilaan para sa pagtatayo ng 307 Super Health Center noong 2022 at 322 noong 2023.

“Sana ay tuluy-tuloy pa ang pagtatayo ng mga ito (SHCs) upang hindi na kailanganin pa ng ating mga kababayan na maglakbay para lamang makapag-avail ng serbisyong medikal na kailangan nila,” ibinahagi ng senador.

“Mahirap ang sitwasyon sa lokal lalo na sa mga 4th, 5th at 6th class municipalities… kaya sikapin nating ilapit sa kanila ang serbisyong kailangan ng taumbayan lalo pagdating sa kalusugan,” idiniin niya.

Noong 18th Congress, naisulong at inisponsoran ni Go ang pagpapasa ng 69 batas para sa upgrade at pagtatayo ng ilang pampublikong ospital sa bansa.

Alinsunod sa tema ng PCL convention, nauna nang inihain ni Go ang SBN 194 o ang E-governance Act para palakasin ang pagbabahagi ng data sa mga ahensya ng gobyerno at gawing digital ang mga tradisyunal na mode ng workflows para sa mas mahusay at transparent na burukrasya. RNT