Bong Go sa DoH: Mataas na kaso ng suicide, tutukan

Bong Go sa DoH: Mataas na kaso ng suicide, tutukan

September 16, 2020 @ 2:44 PM 6 days ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Nanawagan si Senator at Senate committee on health and demography chair Christopher “Bong” Go sa Department of Health na palakasin ang suicide awareness partikular sa rural communities at sa mga kabataan, kasunod ng pagtaas ng kaso ng suicide.

“Sana magkaroon ng mas malawak na program ang in-charge na agency sa suicide awareness. In a span of one month, marami pa ang nagpakamatay sa amin sa province kaysa sa namatay sa COVID-19. It’s really alarming kasi mga bata pa karamihan,” anang senador.

Batay sa mga eksperto, ang stress na dulot ng COVID-19 pandemic at problema sa pinansiyal ay mistula ring pandemya na umaatake sa tao kaya may mga nagkakaroon ng mental illness na nauuwi sa suicide.

Ang kawalan ng trabaho, pagkalubog sa utang, pagkalayo sa mahal sa buhay at pagkatuliro ang ilan sa mga kondisyon na nakapagbibigay ng pag-aalala ng isang tao na nagiging sanhi naman ng paglala ng depekto sa pag-iisip.

Dahil sa ipinatupad na community quarantine measures para malabanan ang pandemya, maraming maliliit na magsasaka, mangingisda at simpleng manggagawa ang nabawasan o nawalan ng ikabubuhay.

Sa mga rural areas, marami sa kasalukuyan ang nahaharap sa nasabing problema, dahil na rin sa kawalan ng access sa behavioral health care providers at mental health facilities.

“Ang mental health issue ay hindi lang naman tungkol sa mga nag-suicide. Worst case na iyan. Karamihan sa mga mental health concerns natin ay ang anxiety, stress and depression caused by the pandemic. Dahil hindi na nakakalabas ng bahay, marami ay nalulungkot. Marami ang nawalan ng trabaho, hindi alam kung saan kukunin ang pambili ng pagkain, mga gamit sa blended schooling, katulad ng laptop, at pambayad sa tuition,” sabi ni Go.

Nagpahayag ng pagkabahala ang senador dahil ang mental health system ay nananatiling under-funded at maraming Pinoy na hindi nakatanggap ng mental health treatment bago ang pandemya.

Kaya umapela siya sa DOH at iba pang concerned national agencies, gaya ng Department of Labor and Employment at Department of Social Welfare and Development, na iprayoridad ang pagpapalawak ng access ng taongbayan sa mental health care at psychosocial support services.

Hinimok niya ang pamahalaan na gamitin ang online platforms (e.g. social media) at iba pang teknolohiya (e.g. mobile applications) sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng mental health services.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11036 o Mental Health Act, ang DOH ay may mandatong i-develop at iimplementa ang national mental health program sa pakikipagtulungan ng relevant government agencies upang mapalakas ang awareness at promosyon ng epektibong estratehiya ukol sa mental health care.

Ani Go, ang mental health services ay isa sa mga pangunahing serbisyo na iniaalok sa city, municipal at barangay level. Ang pambansang pamahalaan sa pamamagitan DOH, ay inaatasang pondohan ang pagtatayo ng community-based mental health care facilities sa mga probinsiya, lungsod at clusters of municipalities, base sa pangangailangan ng populasyon.

Maging ang mga educational institutions,gaya ng schools ay inaatasang mag-adopt ng polisiya o programa na tutugon sa mental health issues ng kanilang mga mag-aaral, guro at non-teaching staff.

Matatandaang pinuri ni Go ang Department of Education dahil sa pagsasagawa ng serye ng psychosocial support at training bilang paghahanda sa mga magulang, guro, school heads at non-teaching personnel para sa pagsisimula ng 2020-2021 school year.

“With or without COVID-19, napakaimportante ng health, kalusugan po ng bawat Pilipino… Let me reiterate, let us learn from this pandemic and work together to strengthen our health care system and to better provide quality health care to our people,” ani Go. RNT


  •  
  •  
  •  

Loading...