Bong Go sa govt appointees: Unahin interes ng Pilipino

Bong Go sa govt appointees: Unahin interes ng Pilipino

August 8, 2022 @ 1:13 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa lahat ng itinalaga at itatalagang opisyal ng gobyerno na laging ilagay sa itaas ang kapakanan ng bansa at sambayanang Pilipino.

Sa isang ambush interview matapos personal na manguna sa serye ng relief operations para sa mga nahihirapang residente sa Davao City, sinabi ni Go, na naunang nahalal sa bagong tatag na Commission on Appointments (CA), “Bilang inyong senador, ikinararangal ko na maging bahagi ng Commission on Appointments. I am honored na maging bahagi ng Commission on Appointments at part po ito ng checks and balances ng ating gobyerno.”

Ang pahintulot ng CA ay kailangan para sa mga paghirang ng mga pinuno ng mga departamentong tagapagpaganap, mga embahador, iba pang mga pampublikong ministro at konsul, mga opisyal ng sandatahang lakas mula sa ranggo ng koronel o kapitan ng hukbong-dagat, at iba pang mga opisyal na ang mga paghirang ay nakatalaga sa Pangulo ng Pilipinas sa ilalim ng Konstitusyon.

Ang mga pagtatalaga ng tagapangulo at mga komisyoner ng mga komisyong konstitusyonal tulad ng Komisyon sa Serbisyo Sibil, Komisyon sa Halalan, at Komisyon sa Pag-audit, gayundin ang mga regular na miyembro ng Judicial and Bar Council ay nangangailangan din ng pahintulot ng Commission on Appointments.

“‘Yung mga naitalagang Cabinet secretaries ay kailangan pong dumaan sa Commission on Appointments at iko-confirm po sila. ‘Yung mga qualified naman po na mga Cabinet secretaries ay kailangang kumpirmahin,” ani Go.

“So ako naman po bilang representative ng Senado, tingnan nating mabuti and of course, alam ko naman ‘yung mga naitalagang cabinet secretaries ay most likely qualified naman po sila. So busisiin nating mabuti,” paniniyak ng senador.

Samantala, muling iginiit ni Go na pangunahing tungkulin ng mga opisyal ng gobyerno, mahalal man o itinalaga, ay paglingkuran ang sambayanang Pilipino, lalo na ang mga wala at walang maaasahan maliban sa gobyerno.

“Isa lang naman po ang pakiusap ko sa mga naitalagang Cabinet secretaries (at iba pang government officials), unahin n’yo po ang kapakanan ng mga kababayan nating mahihirap,” pagdidiin ni Go.

“Unahin po natin ang (makakabuti sa serbisyo) ng gobyerno at interes ng mamamayang Pilipino. Ako po ay susuporta, lalung-lalo na po ‘pag uunahin n’yo po ang interes ng mga mahihirap,” dagdag niya.

Bukod kay Go, nauna na ring kumpirmadong bahagi ng CA sina Senators Cynthia Villar at Francis Tolentino. Ang iba pang mga senador na kukumpleto sa mga puwesto sa komisyon ay hindi pa inaanunsyo. Samantala, nahalal na rin ang sampung miyembro ng House of Representatives.

Sa ilalim ng Artikulo VI, Seksyon 18 ng Konstitusyon ng 1987, ang CA ay bubuuin ng Pangulo ng Senado bilang ex officio chairman, 12 senador at 12 miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na inihalal ng bawat Kapulungan batay sa proporsyonal na representasyon mula sa mga partidong pampulitika at mga partido o organisasyong nakarehistro sa ilalim ng party-list system na kinakatawan doon. RNT