Bong Go sa mga kasamang senador: Suportahan ang DDR bill

Bong Go sa mga kasamang senador: Suportahan ang DDR bill

July 4, 2022 @ 2:30 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Muling nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa kanyang mga kasama sa Senado na suportahan ang pagpapasa ng Senate Bill No. 205, o kilala bilang Department of Disaster Resilience Act na lilikha ng isang highly specialized agency na ang tungkulin ay tiyaking adaptive, disaster-resilient at ligtas ang mga komunidad.

Umapela si Senador Go sa kanyang mga kapwa mambabatas na suportahan ang pagtatatag ng DDR kapag muling isinampa sa 19th Congress upang pag-isahin at pahusayin ang lahat ng mga responsibilidad na may kaugnayan sa paghahanda at pagtugon sa sakuna.

“Alam naman natin na napakadalas pong tamaan ng bagyo ang ating bansa. Hindi lamang po bagyo pati na rin po lindol, pagputok ng bulkan, at iba pang kalamidad. Kaya kailangan po talaga natin i-step up ang ating paghahanda laban sa mga nasabing kalamidad,” paliwanag ni Go sa kanyang video message sa isinagawang relief effort ng kanyang grupo sa Arayat, Pampanga.

“Itong departamento na ito, bago pa dumating ang bagyo, mayroon na hong makikipag-coordinate sa LGUs, preposition of goods at ilikas po ang mga kababayan natin sa ligtas na lugar. At pag-alis ng bagyo, restoration of normalcy kaagad, maibalik kaagad sa normal ang pamumuhay ng mga kababayan natin. ‘Yan po ang layunin ng Department of Disaster Resilience,” paliwanag ni Go.

Idinaos sa Arayat Sports Complex, ang koponan ni Go ay namahagi ng mga pagkain at mask sa 775 biktima ng bagyong Ulysses.
Nagbigay din sila sa mga piling indibidwal ng computer tablet sa mga mag-aaral, sapatos at bisikleta.

Samantala, ang National Housing Authority ay nagbigay ng tulong pinansyal sa bawat apektadong sambahayan sa pamamagitan ng Emergency Housing Assistance Program nito upang higit na matulungan silang makabangon.
Pinaalalahanan ni Senator Go, pinuno ng Senate committee on health and demography, ang publiko na pangalagaan ang kanilang kapakanan at kalusugan habang nananatili ang banta ng COVID-19.

Hinimok niya ang mga hindi pa nababakunahan na magpabakuna laban sa virus dahil ito ay makatutulong sa layunin ng bansa na makamit ang proteksyon ng populasyon.

“May mga reports po na unti-unti na naman pong tumataas ang kaso ng COVID-19. Mga kababayan ko, ‘wag po natin hahayaan na bumalik na naman tayo na napupuno ang mga ospital. Magpabakuna na po kayo at libre naman po ito. Pinaghirapan po ito ng gobyerno,” apela ni Go.

Hinikayat din niya ang mga may problema sa kalusugan na humingi ng tulong medikal sa alinman sa mga Malasakit Center na matatagpuan sa Rafael Lazatin Memorial Medical Center sa Angeles City at Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital sa San Fernando City.

Ang Malasakit Centers Act of 2019 ay pangunahing inakda at itinaguyod ni Go upang matulungan ang mga mahihirap na Pilipino na ma-access ang mga programa ng tulong medikal ng gobyerno. Sa kasalukuyan, mayroong 151 operational centers sa buong bansa. RNT