Bong Go sa mga rebelde: Magbalik-loob na lang kayo

Bong Go sa mga rebelde: Magbalik-loob na lang kayo

April 2, 2022 @ 10:45 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Dismayado si Senador Christopher “Bong” Go sa panawagan ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa mga miyembro ng armed wing nito na New People’s Army (NPA) na paigtingin ang kanilang recruitment habang ipinagdiriwang ng NPA ang ika-53 anibersaryo ng pagkakatatag nito noong Marso 29.

Kahapon ay binigyang-diin ni Sen. Go ang pangangailangan ng mas malakas na diskarte sa buong bansa sa pagtugon sa lokal na insurhensiya upang mahikayat ng pamahalaan ang mga rebelde na sumuko kaysa ipagpatuloy ang pakikipaglaban.

Sa isang panayam matapos personal na manguna sa isang relief activity sa Island Garden City of Samal sa Davao del Norte, ipinahayag ni Go ang kanyang pagkadismaya sa mensahe ng CPP at muling umapela sa mga rebelde na sumuko sa gobyerno at bumalik sa kanlungan ng batas.

“Mayroon lang akong pakiusap, imbes na mag-recruit kayo gawin niyo na lang ay magbalik-loob na lang kayo sa gobyerno. Mayroon namang programa si Presidente (Rodrigo) Duterte ang ELCAC, tulong ng mga barangay para ma-encourage ang mga barangay na dumami pa ang mga barangay na ma-insentibo. So ako diyan as a Senator, tutulong ako para sa ikaayos ng lahat, peace ang sagot ko,” idiniin ni Go.

Noong 2018, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order No. 70 na lumikha sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Pinalalakas nito ang diskarte sa buong bansa sa pagkamit ng inklusibo at napapanatiling kapayapaan sa pamamagitan ng paglikha ng task force at pagpapatibay ng National Peace Framework.

Ang whole-of-nation approach sa ilalim ng nasabing EO ay tumutugon sa ugat ng mga insurhensiya, panloob na kaguluhan at tensyon, at iba pang armadong tunggalian at banta sa bansa sa pamamagitan ng pagtutuon sa mahusay na paghahatid ng mga pangunahing serbisyo at panlipunang mga pakete sa pagpapaunlad ng gobyerno.

Samantala, ang mga kinauukulang ahensyang kasangkot sa task force ay nagbibigay ng kinakailangang tulong sa pamamagitan ng iba’t ibang mga programa na nakatuon sa pagtulong sa NTF-ELCAC na makamit ang mga layunin nito. Isa na rito ang Sustainable Livelihood Program ng Department of Social Welfare and Development na nagbibigay ng livelihood assistance grant sa mga dating rebelde at tumutulong sa kanila na maging produktibong miyembro ng kanilang mga komunidad.

“Alam niyo, matagal na itong problema sa NPA sa insurgency. Fifty years na wala pa ring nangyayari. Mayroon tayong programa sa gobyerno na magbalik-loob sa gobyerno, tutulungan at bibigyan kayo ng pabahay at kabuhayan. Puntahan niyo lang kami,” ang hikayat ng senador.

Noong Disyembre, itinulak din ni Go na taasan ang budget ng NTF-ELCAC para matiyak na ang task force ay magkakaroon ng kinakailangang pondo para tulungan ang mas maraming lugar na apektado ng conflict sa buong bansa.

Sa pagpapahayag ng kanyang pagkadismaya sa hindi kinakailangang pagpatay sa mga Pilipino, inulit ni Go ang kanyang panawagan sa mga miyembro ng CPP-NPA na mapayapang sumuko at muling buuin ang kanilang buhay sa halip na mag-recruit ng mas maraming miyembro, lalo na ang mga kabataan, para sumali sa armadong pakikibaka.

“Mag-usap na lang tayo, ayaw ko ng patayan. Sino ba ang gustong magpatayan? Pilipino laban sa Pilipino, malungkot diyan sa bukid. Mga kababayan ko, huwag na kayong magdagdag. Imbes na mag-recruit kayo, pumunta na lang kayo dito. Tumulong na lang tayo sa gobyerno,” giit niya.

“Kawawa ang mga Pilipino at kawawa ang inyong mga anak, dahil hanggang ngayon ganoon pa rin at giyera pa rin. Pilipino laban sa Pilipino, masakit ‘yon. At kung may mamatay na sundalo kawawa ang pamilya. ‘Pag may namatay na rebelde, kawawa ang pamilya at Pilipino pa rin sila,” ayon pa sa senador. RNT