Bong Go sa next admin: ‘Balik Probinsya’ ipagpatuloy

Bong Go sa next admin: ‘Balik Probinsya’ ipagpatuloy

June 21, 2022 @ 3:15 PM 4 days ago


MANILA, Philippines- Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go na napakalaking tulong ang “Balik Probinsya, Bagong Pag-asa (BP2)” sa pag-angat ng buhay ng maraming Filipino, bukod sa malaki itong ambag sa decongestion ng mga “highly urbanized” na mga lungsod tungo sa pagpapalakas ng kaunlaran sa mga kanayunan.

Tagapagtaguyod ng programang BP2, tiniyak ni Go na ang programa ay magbibigay sa mas maraming Pilipino ng panibagong simula.

Binanggit niya ang kuwento ng ilan sa mga benepisyaryo mula sa Caramoan, Camarines Sur na ang buhay ay bumuti matapos makatanggap ng mga tulong sa ilalim ng programa.

Kabilang sa mga ito sina Leonidita Ortiz-Sabio na nakapagsimulang magnegosyo sa kanyang probinsiya at makapagtayo ng sariling bahay gamit ang mga tulong mula sa BP2; Jing Jing Elen, na ngayon ay may matagumpay na sari-sari store at maliit na poultry business na may 50 manok matapos ang matalinong paggamit niya livelihood grant mula sa programa; at Ivy Mariol-Arcera, na ginamit ang benepisyo mula sa BP2 para makabili ng bangkang de-motor sa pangingisda nila ng asawa sa probinsya.

“Isa talaga sa mga layunin ng ‘Balik Probinsya’ program ang pagtiyak na handa at kaaya-aya ang mga probinsya para sa mga bagong negosyong ipatatayo ng mga mamumuhunan,” sabi ni Go.

“Malaking dahilan po kung bakit napakaraming mga taga-probinsya ang lumuluwas ng Metro Manila ay para makahanap sila ng maayos at disenteng trabaho o mapagkakakitaan. Ngunit marami sa kanila, nadala na o natagam sa Bisaya dahil paghihirap lang din po ang nadatnan nila sa Metro Manila imbes na mabuting buhay. Kung masisiguro rin po natin na tuluy-tuloy ang paglikha ng mapagkakakitaan para sa mga kababayan sa mga probinsya, hindi na nila kailangang pumunta pa sa Metro Manila,” ayon sa senador.

Noong Mayo 2020, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order No. 114 na naglalagay sa programa bilang “pillar of balanced regional development”.

Ayon sa EO, ang programang BP2 ay magdadala ng “balanseng pag-unlad ng rehiyon at pantay na pamamahagi ng resources at oportunidad sa pamamagitan ng mga programang nagpapalakas sa pag-unlad ng kanayunan.

Nilagdaan ng Pangulo ang EO matapos iakda ni Go ang Senate Resolution No. 380 na pinagtibay ng Senado, na humihimok sa Executive Department na bumalangkas at ipatupad ang BP2 program.

“Ngayon, meron Executive Order 114 na nag-institutionalize nito. Meron ding inter-agency council na mangangasiwa at magpapatupad nito. Whole-of-government na ang approach ngayon,” ani Go.

Sinabi ng senador na kailangan nating magtulungan at magbayanihan para sa ikatatagumpay ng BP2.

“Magmalasakit po tayo sa ating kapwa, isipin natin ang kanilang kapakanan at pagkakakitaan. ‘Wag nating iwan ang ating mga kababayan, lalo na ang mga gustong sumigla ang kanilang buhay sa probinsya,” apela ng mambabatas.

Kumpiyansa si Go na makikita ng mga benepisyaryo ng BP2 ang pagbuti ng kanilang buhay sa pamamagitan ng suportang ibibigay ng mga pangunahing ahensya, tulad ng National Housing Authority, Department of Transportation, Department of Social Welfare and Development, Department of Agriculture, Department of Trade and Industry, at Technival Education and Skills Development Authority.

Kaya hinikayat ni Go ang bagong administrasyon na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng BP2 program na layuning mabigyan ng bagong pag-asa ang ating mga kababayan na pipiliing bumalik sa probinsya at manirahan doon.

“Hindi lang po maipagpatuloy, kundi mas mapaganda pa sa susunod na termino. Pareho naman po tayo ng adhikain — ang masigurong maramdaman ng bawat Pilipino ang komportableng buhay kahit saan mang sulok ng bansa,” giit ni Go. RNT