Bong Go sa PhilHealth: Palawakin, libreng medical check-up, konsultasyon

Bong Go sa PhilHealth: Palawakin, libreng medical check-up, konsultasyon

December 28, 2022 @ 3:06 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na palawakin ang libreng medical check-up at konsultasyon sa ilalim ng Comprehensive Outpatient Benefits Package nito.

Ito’y matapos aprubahan ang kanyang iminungkahing espesyal na probisyon sa ilalim ng badyet ng PhilHealth na tumutukoy sa paggamit sa P21 bilyong badyet para sa pagpapalawak ng benefits package sa ilalim ng Universal Health Care Act sa General Appropriations Act (GAA) ng 2023.

Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 11936 o 2023 GAA sa isang seremonyang dinaluhan ni Go sa Palasyo ng Malacañang noong Disyembre 16.

“I commend the adoption of my proposed special provision under the PhilHealth budget. I earlier proposed that this budget should be used for the expansion of free dialysis coverage, mental health outpatient coverage, the implementation of the comprehensive outpatient benefit package, including free medical check-ups and other increases in benefit packages,” sabi ni Go.

“Regalo na natin iyan sa ating mga kababayan ngayong Pasko tungo sa Bagong Taon,” dagdag niya.

Pinuri rin ng senador ang state insurer sa pagbibigay prayoridad nito sa kanyang panukala na magbigay ng libreng medical check-up sa lahat ng Pilipino sa pamamagitan ng Konsultasyong Sulit at Tama (Konsulta) Package.

Ang mga serbisyong inaalok sa PhilHealth Konsulta ay medical check-up, health screening at assessment, laboratoryo at diagnostic sa mga piling klinika, at mga piling gamot.

Hinikayat ng senador, nagsisilbing chair ng Senate Committee on Health and Demography, ang lahat ng Pilipino na samantalahin ang nasabing programa at magparehistro sa pamamagitan ng website ng PhilHealth o bisitahin ang pinakamalapit na PhilHealth Local Health Insurance Office sa kanilang mga komunidad.

“Isinulong ko po ang libreng medical check-up para sa ating mga kababayan. Bahagi ito ng Universal Health Care. Mahalaga ang early detection para hindi na lumala ang sakit. Ang problema, marami sa ating mga kababayan ang takot o walang budget para sa check-up,” idiniin ng senador.

“Sa Konsulta program, sagot ng PhilHealth ang pagpapa-check-up o lab test sa ating mga Philhealth-accredited health facility, dapat na itong ma-implementa ng buo at maayos,” aniya pa.

Samantala, patuloy ding isinusulong ng mambabatas ang pagtaas ng coverage ng benepisyo sa dialysis ng PhilHealth upang mabayaran ang mga gastusin sa dialysis treatments, sessions, at procedures na ginawa sa PhilHealth accredited-health facilities.

“Maraming lumalapit sa aking opisina para sa dialysis. Ito ang dahilan kung bakit ako naghain ng Senate Bill No. 190 na nag-uutos sa PhilHealth na ganap na sakupin ang lahat ng gastos sa dialysis treatments, sessions at procedures na ginawa sa PhilHealth accredited-health facilities,” ayon sa senador.

“Sa abot ng aking makakaya, patuloy lang din akong sumusuporta at magmumungkahi ng mga programa para mas lalo pang palakasin ang health sector ng bansa. Magtulungan lang ho tayo at malalagpasan din natin ang krisis na ito,” hikayat niya. RNT