Bong Go sa PNP: KIDNAPPING ‘WAG ISMOLIN, KONTING NGIPIN PA

Bong Go sa PNP: KIDNAPPING ‘WAG ISMOLIN, KONTING NGIPIN PA

September 14, 2022 @ 3:06 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagkabahala si Senator Christopher “Bong” Go sa mga ulat ng sunod-sunod na kidnapping sa bansa kaya hinihimok niya ang gobyerno, partikular ang Philippine National Police (PNP), na dagdagan pa ang “ngipin” o bagsik nito laban sa mga kriminal.

Kaugnay nito, sinabi ni Go na sinusuportahan niya ang pagpapatawag ng hearing ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa para matalupan kung bakit nangyayari ang ulat na serye ng kidnapping sa bansa.

“Marami po akong naririnig at nababahala tayo dito sa killings, whether Chinese nationals or locals,” ayon kay Go.

Kamakailan, sinabi ni Senator Dela Rosa, chair ng Senate committee on public order and dangerous drugs, na ang pagtaas ng kidnapping at iba pang krimen ay maaaring senyales na bumabalik ang problema sa iligal na droga.

Binanggit niya ang sunod-sunod na kidnapping incidents sa iba’t ibang bahagi ng bansa, lalo ang kinasasangkutan ng kababaihan at Chinese-Filipino.

Samantala, ginunita ni Go na sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, bumuti ang kalagayan ng peace and order sa bansa at kailangan aniyang panatilihing mahigpit at may pangil ang paglaban sa mga kriminal upang masugpo ang bagong paglobo ng krimen at kidnapping.

“Still meron pong krimen na nangyayari at napaka-importante po para sa atin ang peace and order. Ito po ‘yung pinaghirapan ng ating mahal na dating Pangulong Rodrigo Duterte… na makakalakad po ang ating mga anak tuwing gabi na hindi nasasaktan at walang pangamba,” sabi ni Go.

Ayon kay Go, sadyang nakababahala ang mga naiuulat na street crimes, mga petty crimes, hold-up, kidnapping at iba pa.

Gayunman, kumpiyansa si Go na binibigyan din ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng mataas na prayoridad ang peace and order situation sa bansa at matatag na hinaharap ng administrasyon ang isyu.

Ipinayo niya sa PNP na bigyan pa ng konting bagsik at ngipin ang kampanya nito kontra krimen at hindi dapat maliitin ang mga ulat ng kidnapping sa pagsasabing mas nakapaghahatid ito ng alalahanin at pangamba sa mga Pilipino.

“Ako po ay nananawagan sa ating pulisya na gawin n’yo po ang inyong trabaho.

Trabaho n’yo po ito to make life comfortable and safe for all Filipinos, lalung lalo na po ang mga magulang na gusto lang pong makapaglakad ang kanilang mga anak, makakauwi sa gabi na ligtas,” ani Go.

Nagbabala si Go na kung nanganganib ang sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan sa bansa, maaapektuhan din ang ating ekonomiya. RNT