Bong Go sa PNP: Seguridad paigtingin; Ateneo shooting kinondena

Bong Go sa PNP: Seguridad paigtingin; Ateneo shooting kinondena

July 26, 2022 @ 2:53 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Mariing kinondena ni Senator Christopher “Bong” Go ang insidente ng pamamaril sa Ateneo de Manila University sa Quezon City noong Linggo na ikinamatay ng tatlo katao, kabilang si dating Mayor Rose Furigay ng Lamitan, Basilan.

Ang pamamaril ay nangyari ilang oras bago ang graduation ceremony ng Ateneo Law School. Namatay rin ang long-time aide ni Furigay at isang campus security guard.

Ang anak ni Furigay na isa sa mga nagtapos ay nasugatan at iniulat na nagpapagaling pa.

“Kinokondena ko po ang nangyari at nakikiramay po ako sa pamilya Furigay.  Nakikiramay din po ako sa empleyado ng Ateneo, sa security guard na nadamay lang po,” ani Go.

“Sa ating mga pulis, wag kayong magkumpiyansa… tulad ng nangyari sa Japan, ibig sabihin, ganun na lang kadali ang pumatay ng tao ngayon.  Huwag natin hayaang may mga criminal mind na bigla na lang papatay ng tao na ganun kadali.  Mas dapat nating paigtingin ang ating seguridad,” iginiit niya.

Binigyang-diin ng senador kung paano inuna ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kapayapaan at kaayusan sa ilalim ng kanyang administrasyon, partikular ang kampanya laban sa iligal na droga, kriminalidad at katiwalian.

“Alam n’yo kapag pumasok po ang droga sa ating bansa, papasok na rin po ang kriminalidad.  Kapag pumasok po ang iligal na droga uli, papasok na po ang korapsyon, makorap na po ang iba d’yan,” idiniin ni Go.

“‘Yung mga street crimes, ‘yun po ang ikinababahala ni dating Pangulong Duterte.  Even in the future po, yun po ang ikinatatakot (kaya naging pokus ng Duterte administration ang kampanya laban sa iligal na droga at kriminalidad),” idinagdag ng senador.

Nanawagan ang senador sa law enforcement agencies at sa kasalukuyang administrasyon na suportahan ang mga nagawa ni dating pangulong Duterte sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.

 “Sa totoo lang during the past six years, tanungin n’yo na lang po ang inyong mga anak, pamilya ninyo, even mga OFWs tanungin n’yo po, mas nakakalakad po ang mga anak n’yo na meron kayong peace of mind.  Ang ayaw natin mangyari ay maghari uli ang kriminal sa daan,” Go said.

 “‘Yun po ang sana i-address rin ng ating administrasyon ngayon.  ‘Yung naumpisahan po ni (dating) Pangulong Duterte.  Gusto po nating ang mga kababayan natin ay makauwi nang ligtas sa gabi.  Sana ‘yun po ang maipagpatuloy ng bagong administrasyon, na mamantina po ang peace and order – na wag pong bumalik ang mga kriminal at iligal na droga,” paliwanag ni Go.

Nangangako sa pagpapatuloy ng kampanya laban sa iligal na droga at kriminalidad, naunang isinampa ni Go ang Senate Bill No. 428 para magtatag ng Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa bawat lalawigan sa buong Pilipinas.

Naghain din siya ng SBN 419, na nagbibigay ng Magna Carta of benefits para sa mga opisyal at tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency;  at SBN 422, na nagbibigay ng libreng ligal na tulong sa sinumang opisyal o enlisted personnel ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na maaaring maharap sa anumang kaso na nagmumula sa isang insidente na may kaugnayan sa pagganap ng opisyal na tungkulin.