BONG GO SA PUBLIKO: MAG-INGAT SA DELTA VARIANT

BONG GO SA PUBLIKO: MAG-INGAT SA DELTA VARIANT

July 21, 2021 @ 11:22 PM 7 days ago

  •  
  •  
  •  

MATAPOS kumpirmahin ng Department of Health ang nai­talang local cases ng COVID-19 Delta variant, muling na­nawagan si Senate Committee on Health chairman Senator Christopher ‘Bong’ Go sa mga ahensya ng pamahalaan at maging sa publiko na mas pa­igtingin ang pag-iingat laban sa sakit.

Dahil nga mas nakahahawa ang Delta variant kumpara sa mga nauna nang kumalat sa bansa, nararapat umanong mas paigtingin ng pamahalaan ang mga preventive measure at border control security nito, ayon kay Sen. Go.

Kung sakaling tumaas ang mga kumpirmadong kaso sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas dulot ng Delta variant, tunay na hindi na kakayanin pa ng ilan nating kababayan ang muling pagsasara ng kanilang ne­gosyo kung babalik ang pagpapatupad ng mas mahigpit na kuwarantina.

Kaya naman talagang mas mainam na pigilan na ang pagkalat nito sa lalong mada­ling panahon—bagay na ginawa ng ating pamahalaan sa pamamagitan ng pagbabawal sa pagpasok ng mga indibidwal na magmumula sa mga bansang may naitatalang mataas na kaso ng Delta va-riant.

Buti na nga rin lang at tuloy-tuloy ang vaccination prog­ram ng pamahalaan kung kaya nabibigyan din ng proteksyon ang publiko mula sa pagkahawa sa sakit.

Ngunit hindi rin naman da­pat maging kampante ang mga bakunadong indibidwal dahil possible pa rin ang pagkahawa nila sa COVID-19.

Muling binigyang-diin nga ni Sen. Go ang kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag munag ipatupad ang face-to-face class para sa mga estudyante sa bansa habang hindi pa nararating ang herd immunity mula sa pagbabakuna.

Maswerte tayo’t sigurista ang ating Pangulo at hindi ini­lagay sa alanganin ang mga mag-aaral na ngayo’y patuloy na sumasailalim sa blended learning.

Nakikita naman nating unti-unti nagagamayan na ito ng mga estudyante.

Talagang mahirap ang ating sitwasyon sa ngayon dahil sa pandemya na tila ba ayaw magpatalo pero sa pamamagitan ng ating patuloy na pag-iingat at pagsunod sa health and safety protocol, sama-sama nating mapagtatagum­payan ang labang ito.


  •  
  •  
  •