BONG GO: SAMANTALAHIN, TULONG NG MALASAKIT CENTERS

BONG GO: SAMANTALAHIN, TULONG NG MALASAKIT CENTERS

January 25, 2023 @ 2:57 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ni Senate committee on health chair, Senator Christopher “Bong” Go ang mga Pilipino na samantalahin ang paglapit o paghingi ng tulong medikal sa alinmang 154 Malasakit Centers na nakakalat sa buong bansa upang hindi na mahirapan sa mga problema sa gastos.

Sa isang panayam, inilarawan ni Go ang napakahirap na proseso na kailangang pagdaanan ng mga Pilipino para lamang makahingi ng tulong medikal sa gobyerno noong wala pa ang mga Malasakit Center.

“Noong wala pang Malasakit Center ang mga kababayan natin, kung meron silang kailangang tulong sa kanilang pagpapaospital o billing, lalapit po ‘yan sa iba’t ibang opisina,” ani Go.

“(Halimbawa), Lunes pupunta po ‘yan sa mga city hall, provincial hall o sa mga opisina po ng ating governor or mayor. Martes po, pupunta ‘yan sa PCSO, pipila, kahit madaling-araw. Miyerkules po, pipila ‘yan sa DOH. Huwebes po, pipila ‘yan sa DSWD. Biyernes po, ipo-proseso naman Philhealth,” idinetalye niya.

“Ubos po ang panahon nila, ubos po ‘yung pamasahe sa kakapila at paghingi ng tulong. Kaya doon ko po naisipan po ito noong 2018 na ilagay po sa isang kwarto (ang mga ahensyang ito),” patuloy ng senador.

Sinabi ng senador na ang mga pakikibaka na ito ang nag-udyok sa kanya na simulan ang nasabing programa at kalaunan ay iniakda at iniponsoran ang Republic Act No. 11463, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers sa pamamagitan ng batas na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019.

Sa ilalim ng RA 11463, o mas kilala bilang Malasakit Centers Act of 2019, lahat ng ospital na pinamamahalaan ng DOH sa buong bansa at ng Philippine General Hospital sa Maynila ay inaatasan na magtatag ng sarili nilang Malasakit Center.

Ang mga ospital naman na pinamamahalaan ng lokal na pamahalaan at iba pang pampublikong ospital ay maaari ring magtatag ng kanilang sarili basta’t natutugunan ang mga pamantayan upang magarantiya ang pagpapanatili ng mga operasyon ng center.

“Ngayon po ay batas na ito…Institutionalized na po ang Malasakit Center para po ito sa Pilipino, para po ito sa poor and indigent patients, handang tumulong sa ating mga kababayan,” ayon kay Go.

Sa kasalukuyan ay mayroong 154 Malasakit Centers sa buong bansa, ang pinakahuli ay inilunsad noong Enero 18 sa Camiguin General Hospital sa Mambajao.

Bukod dito, binanggit ni Go na ang Overseas Filipino Workers Hospital and Diagnostic Center sa San Fernando City, Pampanga ay mayroon na ring Malasakit Center.

Binuksan ito noong Nobyembre 24 ng nakaraang taon, kung saan dumalo ang senador.

“Nagbukas tayo ng 153rd (Malasakit Center) para po sa OFW Hospital. Ito po ‘yung pangarap natin noon na magkaroon ng sariling hospital para sa mga OFW,” ani Go.

Ayon sa DOH, ang Malasakit Centers ay nakatulong na sa mahigit 7 milyong pasyente at nakapagbigay ng kabuuang P50.8 bilyong medical assistance nang magsimula ito noong 2018.

Ang partikular na tulong na binanggit ng DOH ay sa pamamagitan ng programang Medical Assistance for Indigent Patients nito na maaaring ma-access sa mga nasabing center.

“Sa Tawi-Tawi and even sa Jolo, sa pinakababa… at mula Aparri pati Batanes (sa hilaga ng bansa)… so mula Batanes hanggang Tawi-tawi meron pong Malasakit Center. Sa gilid naman po ng mapa natin, tatlong Malasakit Center po meron sa Palawan,” ani Go.

Samantala, idiniin ni Girlie Veloso, Director IV ng DOH na humahawak sa Malasakit Center Program, sa panayam na maaaring humingi ng tulong ang lahat ng Pilipino sa Malasakit Centers.

“Walang pinipiling tutulungan ang Malasakit Centers. Priority lang natin ang indigent patients or the financially incapacitated,” aniya.

“Charity po ang accommodation ng patients natin kapag lumapit sa Malasakit Center. Pero meron tayong social workers inside the Malasakit Center. Ito ‘yung mag-assess sa mga pasyente kung ano at paano bibigyan ng assistance ang indigents o financially incapacitated patients,” idinagdag ni Veloso. RNT