BONG GO: WALANG PINOY NA MAIIWAN SA LABAN SA COVID-19

BONG GO: WALANG PINOY NA MAIIWAN SA LABAN SA COVID-19

February 1, 2022 @ 10:06 AM 8 months ago


TINIYAK ni Senate committee on health chairman Senator Christopher ‘Bong’ Go na walang Pilipinong maiiwan sa patuloy na laban ng bansa sa COVID-19.

Napatunayang naging epektibo ang pagbabalanseng ginagawa ng pamahalaan sa pagitan ng ekonomiya at pagpapatupad ng mga health and safety protocol matapos makapagtala ang Pilipinas ng 5.6% GDP growth noong 2021.

Ayon nga kay Sen. Go, pinakamataas ang 5.6% GDP growth sa buong Southeast Asia na kung tutuusin ay nasa 1-4% lang ang prediksyon ng mga eksperto na magiging paglakas ng ekonomiya sa rehiyon dulot ng pandemya.

Nangangahulugan lang na hindi nagpabaya ang pamahalaan pagdating sa pagpapalakas ng ekonomiya sa kabila ng mga umiiral na community quarantine upang pigilan ang hawahan ng COVID-19 sa bansa.

Tama nga si Sen. Go na malaki rin ang naitulong ng mga bakunang libreng ipinamamahagi ng pamahalaan upang makamit ng bansa ang pagtaas ng GDP growth noong 2021.

Sa pamamagitan kasi ng COVID-19 vaccines ay naiiwasan ang pagkakaroon ng malalang sintomas ng sakit at maging sa tahanan lamang ay kaya nang gamutin ang mga sintomas nito.

Dahil dito, mas madaling nakababalik sa trabaho ang mga tinatamaan ng sakit at sa halip na ipambayad sa ospital ay naipantutustos na lang sa mga pangunahing pangangailangan ang kanilang salapi.

Kaya naman nararapat lang na kung pasok naman sa kwalipikasyon upang mabakunahan ay magpabakuna na gayong maraming ebidensya na ang naipakitang tunay na epektibo ang mga bakuna at talagang mas marami ang benepisyo nito kumpara sa maliit na tyansa ng matinding adverse effect nito.

Ngayon nga na pababa na rin ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, mainam pa rin na kahit bakunado na ay ipagpatuloy lamang ang pag-iingat laban sa sakit dahil tayo pa rin ang may responsibilidad upang hindi pumasok ang nakahahawang sakit sa ating mga tahanan.

Unti-unti nang lumalabas ang epekto ng ating mga pinaghirapan noong mga nakalipas na taon at masasabi nga nating ginagawa ng pamahalaan ang makakaya nito upang walang Pilipinong maiwan sa labang ito.