BONGBONG MARCOS ITINAKDANG MAGING PANGULO

BONGBONG MARCOS ITINAKDANG MAGING PANGULO

February 7, 2022 @ 6:37 AM 8 months ago


IGINUHIT na ang tadhana na uupong susunod na Pangulo si dating Senador Ferdinand”Bongbong”Marcos Jr. batay sa pahayag ni Bishop Rafael Tirzo Cambosa,lider ng Filipino Marian Eastern Catholic Church na nakabase sa Bgy.Caraga,Baleno,Masbate at may 1 milyong kasapi umano mula sa iba’t-ibang kongregasyon nito sa Pilipinas.

Ayon pa kay Bishop Cambosa, itutuloy ng Presidential frontrunner na si Bongbong ang nakabinbing programa’t pagbabagong hindi naipatupad ng amang si Apong Ferdie sa panahon ng panunungkulan niya.

Idinagdag din ng co-founder at Patriarko ng grupong si Ernesto Narsaro na si BBM ang sagot sa problema ng kahirapan sa bansa dulot ng pandemyang sadyang nagpataob din sa kaban ng gobyerno.

Naniniwala rin ang kapatirang ito na bahagi ng Simbahang Katoliko, na si Bongbong ang magbubuklod ng pagkawatak-watak ng mga opis­yal at grupong pulitikal sa pamahalaan na naging hadlang sa pagbangon ng bansa mula sa ilang dekada nang lugmok na kalagayan.

Ang kongregasyon na kinikilala umano ng Roma ang madalas sumali sa mga pagtitipon at caravan na isinasagawa ng milyon-mil­yong tagasuporta ni BBM kabilang ang Masbate kung saan sila ‘yung mga pari’t madreng nakatalukbong ng puting sutanang animo’y monghe na lantarang nagpapakita ng suporta rito.

Bagaman iniendorso ng ilang lider ng Simbahang Katoliko ang mga kalaban ng nangunguna pa rin na Presidentiable na si Bongbong subalit pinatutunayan ni Bishop Cambosa na kaisa ang kanyang grupo na hayagang naniniwala sa isinusulong na totoong pagbabago ng dating senador na magtutuldok sa lumalalang iba’t ibang problema ng bansa.

Lumalabas na hati ang tagasunod ng Katoliko Romano kaugnay sa iboboto nitong Pangulong kailanman ay walang batayan ang kontra ni Bongbong na suportado ito ng nakararaming indibidwal lalo na ang mga relihiyoso dahil mulat silang ang interes lang ng mga tsuwariwap nito ang mangingibabaw.

Kaya naman, maliwanag pa sa sikat ng araw na kahit anong pambabalahura’t paninira ang ibinabato kay BBM ng iilang ayaw sa kanyang paulit-ulit lang naman ang inginangakngak na mga isyu, hindi na mababago ang nakatakdang kapalarang uupo ang batang Marcos bilang susunod na Pangulo ng bansang kapakananan ng sambayanan ang uunahin na pagsisilbihan.