Bonifacio Day ipinagdiwang sa Maynila

Bonifacio Day ipinagdiwang sa Maynila

November 30, 2022 @ 4:08 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ipinagdiwang ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila ang ika-159 na anibersaryo ng kapanganakan ni Gat. Andres Bonifacio sa Bantayog ni Andres Bonifacio sa Tutuban Center, Tondo nitong Miyerkules ng umaga.

Pinangunahan nina Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto ang pagpupugay sa watawat at pag-aalay ng bulaklak sa rebulto ni Bonifacio na itinayo sa harapan ng Tutuban Center na sinundan ng 21-gun salute ng Philippine Navy bilang pagpupugay sa kabayanihan ng tinaguriang “Supremo” at nagtatag ng Kataas-taasan, Kagalang-galangan, Katipunan ng mga anak ng Bayan (KKK).

Sa talumpati ni Mayor Lacuna, sinariwa nito ang mahahalagang kontribusyon sa kasaysayan ng bansa ni Bonifacio na aniya ay magpapatunay ng kakaibang katangian ng mga mamamayan ng Maynila.

Binanggit din ng alkalde ang kahalagahan ng pagiging mapagmasid at mapagmatyag sa mga pangyayari sa kapaligiran ni Bonifacio, sa mga nasaksihang panggigipit at paglapastangan sa mga karapatang pantao dulot ng mga mananakop na dahilan upang siya ay manindigan at pamunuan ang paghihimagsik.

Aniya, ang kahirapan at kaapihan ng mga maliliit ng dahil sa kawalan ng oportunidad sa buhay, pati na ang pagdami ng mga tao sa lansangan dahil wala silang sariling lupa sa kanilang sariling bayan ang ilan lamang sa mga hamon na dapat na harapin sa kasalukuyan.

Sinabi niya na patuloy na nagsusumikap ang pamahalaan na magtaguyod at maghatid ng mga programa at proyekto upang matulungan ang bawa’t mamamayan bagama’t kailangang magkaisa, makisangkot, makialam at makipagtulugan ang lahat.

Si Gat. Andres Bonifacio ay isinilang sa isang bahay sa harapan ng Tutuban Station sa Tondo, Manila noong Nobyembre 30, 1863 bagama’t batay sa umakda ng kanyang unang talambuhay na si Manuel Artigas na nilimbag noong 1911, isinilang siya sa isang bahay sa Calle Alvarado sa Distrito ng Binondo. Namatay si Bonifacio noong Mayo 10, 1897 sa edad na 34. JAY Reyes