Booster registration sa 12-17 anyos na immunocompromised umarangakada na sa LP

Booster registration sa 12-17 anyos na immunocompromised umarangakada na sa LP

July 8, 2022 @ 1:14 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas ang pagpaparehistro ng kabataang nasa edad na 12 hanggang 17 taong gulang na nakapailalim sa kategorya ng immunocompromised para sa kanilang tatanggaping unang booster shot.

Iminungkahi ni Las Piñas City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar sa mga magulang ng mga kabataang immunocompromised na magparehistro na sa http://laspinascityonline.laspinascity.gov.ph/immunocompromised para sa iskedyul ng baksinasyon ng unang booster shot ng kanilang mga anak.

Inabisuhan ni Aguilar ang mga residente na sagutin ng maayos ang mga katanungan kabilang ang sakit ng bata na nakapailalim sa kategorya ng immunocompromised.

Sinabi ni Aguilar na ang pagbibigay ng unang booster shot ng bakuna para sa mga kabataang immunocompromised ay isasagawa sa mga ospital sa lungsod.

Ayon kay Aguilar, kanyang hinihikayat ang mga magulang ng mga kabataang 12 hanggang 17 na nasa kategorya ng immunocompromised upang makatulong at maragdagan pa ang proteksyon ng mga ito laban sa COVID-19.

Kasabay nito ay sinabi pa ni Aguilar na ang pagbibigay ng booster shot sa mga kabataang immunocompromised ay may kaugnayan bilang preparasyon para sa face-to-face classes sa darating na Agosto. James I. Catapusan