Booster vaccination, ipaprayoridad na sa 12 rehiyon – Galvez

Booster vaccination, ipaprayoridad na sa 12 rehiyon – Galvez

February 22, 2022 @ 8:20 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Tututukan na ng gobyerno ang pagbibigay ng COVID-19 booster shot sa mga rehiyon na may mataas na vaccine coverage o yaong mga lugar na may mataas na bilang ng fully vaccinated.

Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte, Lunes ng gabi, sinabi ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na 12 mula sa 17 rehiyon sa bansa ay maaari nang ikunsidera na mayroong mataas na vaccine coverage.

Ani Galvez, kailangang ituon ng pansin ng mga rehiyon na ito ang pag-aalok ng boosters habang ang natitirang limang rehiyon ay kailangan na subukan na palakasin ang kanilang primary vaccinations.

“We need to direct the 12 regions with high coverage to shift their focus to administering the boosters. Kailangan din po natin ang tulong ng mga pharmacies and medical clinics para po ma-expand ang mga boosters sa tulong ng ating private sector,” ayon kay Galvez.

“Kailangan din po na mag-dedicate tayo ng mga araw sa pagbabakuna ng boosters. At kailangan din po natin ang tulong ng lahat para hikayatin ang ating mga mamamayan na magpa-booster para tuluy-tuloy at may dagdag na proteksyon sa susunod sa future surges,” dagdag na pahayag nito.

Tinutkoy ni Galvez ang limang rehiyon na nahuhuli sa COVID-19 vaccination kabilang ang Region 5 (mayroong 69.96% fully vaccinated), CARAGA (69.75%), MIMAROPA (68.56%), Region 12 (61.25%), at BARMM (28.02%).

Sa ngayon, mayroon na aniyang 9,709,375 booster shots na ang naiturok na sa buong bansa. Kris Jose