BOQ: Ilang Chinese nat’l na dumating sa Pinas, positibo sa COVID

BOQ: Ilang Chinese nat’l na dumating sa Pinas, positibo sa COVID

January 3, 2023 @ 7:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Ilang biyahero galing China na dumating sa Pilipinas ang tang nagpositibo sa COVID-19 at kasalukuyang naka-isolate, ayon sa Bureau of Quarantine (BOQ) nitong Martes.

Inihayag ni BOQ deputy director Roberto Salvador Jr. na maraming Chinese haang dumating sa bansa, subalit tanging hindi nakakumpleto ng primary vaccine series ang required na sumailalim sa COVID-19 testing.

“Marami nang dumadating na Chinese pero iilan lang naman ‘yung mga nire-require natin na mag-antigen test—‘yung mga partially vaccinated. Meron ding nag-positive at ngayon naka-isolate naman po siya doon sa mga isolation facilities natin,” aniya.

Hindi nagbigay si Salvador ng eksaktong bilang biyahero galing China na nagpositibo sa virus pagkarating sa Pilipinas, subalit sinabing kaunti lamang ang mga ito.

“Kaunti lang po sila. Pero itong mga nag-positive na ito, nag-positive po ito dahil required sila ng antigen test dahil pumasok sila rito na walang testing na non-vaccinated sila o partially vaccinated,” patuloy niya.

Sa kasalukuyam, rekisitos sa foreign travelers na hindi fully vaccinated laban sa COVID-19 na magprisenta ng negatibong pre-departure antigen o RT-PCR test results bago bumiyahe o pagdating sa Pilipinas.

Sinabi ni Salvador na dadalhin ang mga sample mula sa COVID-positive travelers sa Philippine Genome Center upang matukoy ang variant.

“Sa ngayon, undergoing isolation pa po at hinihintay pa natin ‘yung mga test results. Makakasigurado naman kayo na lahat ng pagbabantay ay ginagawa ng BOQ at lahat ng agencies na involved sa border control,” sabi niya.

Sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes na ipinag-utos nito sa BOQ na paigtingin ang quarantine protocols sa pangangasiwa sa mga biyahero galing China sa gitna ng surge ng COVID-19 cases doon.

“As early as December 29, nagbaba na ang BOQ ng alert notice ng mga travelers galing China. Ito ay pinagtibay ng memorandum order ng DOH na inuutusan ang Bureau of Quarantine at lahat ng agencies na maghanda at magbantay sa mga arriving travelers natin from China,” pahayag ni Salvador.

“Naka-alert na tayo. Binabantayan natin lahat ng mga travelers na galing sa China. Mas pinag-iinting natin ‘yung pagmo-monitor, thermal scanning, pag ma-monitor ng signs and symptoms para mahuli natin kung sakaling dumating dito sila nang merong mga sintomas,” dagdag niya.

Base pa sa DOH, tatalakayin ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang guidelines sa border control para sa mga biyahero galing China. RNT/SA