BORADO IN MANILA

BORADO IN MANILA

October 18, 2020 @ 12:05 AM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

NAKALULUNGKOT naman ang paglaho ng dolomite na inilagay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Manila Bay.

Nag-effort ang kagawaran para mapaganda ang tabing dagat na bahagi ng paglilinis nito na iniutos ng Korte Suprema.

Hindi po biro ang ginugol na pera sa paglilinis at pagpapaganda ng nasabing dalampasigan.

Ang resulta, kaiga-igaya naman talaga.

Sabi ko nga nu’ng makita ko ang mga dinurog na dolomite na siyang tumabon sa maitim at maduming paligid ng dagat, “Wow! Bora in Manila.”

Katunayan, pinagkaguluhan ito, marami ang na-excite at dumagsa ang nag-selfie sa Bora in Manila.

Hindi nga mahulugan ng karayom ang lugar noong pansalamantalang buksan ito sa mga mamamayan.

Hindi na naawat ng mga nagbabantay, nawala na ang physical distancing sa sobrang kasabikang makita ang maputing buhangin ng Manila Bay.

Pero, dahil nasa panahon tayo ngayon ng tag-ulan at bagyo, akalain n’yong biglang naglaho ang ilang bahagi ng mga dinurog na dolomite sa gilid ng Manila Bay.

Sabi ng ilan, wala raw palang tibay na maasahan si dolomite.

Mabilis bumitaw ang daling magsawa.

Kaya nga sa mga nag-viral na mga comments, “kapit dolomite”, “lumaban ka dolomite, laban!”

Hindi ko po lubos na alam kung ano ang paliwanag ng mga eksperto roon, kung bakit nawala ang dolomite at sa halip ay natabunan ito ng itim na buhangin.

Sabi ng DENR, hindi naman daw ito naglaho, hindi na “washed-out”.

Kundi na “washed in” lang daw.

Naroroon lang ang mga dolomite sa ilalim ng buhangin, natabunan lang daw.

So kung natabunan ito dahil sa malakas na alon, may posibilidad pa ba kaya itong bumalik sa dati o umibabaw sa itim na buhangin?

Sayang naman ang ganda at sayang na sayang naman ang pera.

Naging mainit na usapin ito nitong linggong ito.

May nakapagbitiw ng maanghang na salita dahil sa bugso ng damdamin at may nasaktan sa mga nasabi.

Dumating sa puntong nagpakumbaba, inamin ang pagkakamali pero may hindi pa rin kuntento.

Resign ang gusto.

Paano nga ba mareresolba ang usaping ito?

Pwede bang umupo, mag-usap at magkasundo kung paano malilinis at mapapaganda ang ating Manila Bay?

Para naman hindi maging “Borado in Manila” ang bora natin.


  •  
  •  
  •  

Loading...