Border closure sa monkeypox malabo pa

Border closure sa monkeypox malabo pa

May 22, 2022 @ 9:00 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Malabo pa rin ang pagsasara ng mga hangganan, kasunod ng pagkaka-detect ng monkeypox sa iba’t ibang bansa, ayon sa special adviser against COVID-19.

Sa kabila nito, patuloy na binabantayan ng Pilipinas ang paglaganap ng naturang sakit.

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 adviser Dr. Ted Herbosa na ang monkeypox ay dati nang sakit na hindi airborne.

Susubaybayan at paghahandaan aniya ito ngunit ilalapat pa rin ang  parehong minimum public health  measures upang maiwasan ito.

Aniya, hindi niya irerekomenda ang pagsasara ng borders dahil lamang sa 85 na iniulat na kaso ng monkeypox.

Sinabi ni Herbosa, bilang isang dalubhasa sa mga nakahahawang sakit, ang monkeypox ay katulad ng smallpox virus ( bulutong), na maaaring magamot sa paggawa ng bakuna.

“‘Yung smallpox virus, maaring magawang bakuna at pupuwedeng epektibo dito sa monkeypox. So sa mga bansa na naka-freeze ‘yung virus ng smallpox, they can actually manufacture the necessary vaccine although wala tayo commercially. Kapag kumalat, puwedeng gumawa ng bakuna,” sabi pa ng dalubhasa.

Kinumpirma ng World Health Organization (WHO) noong Mayo 20 ang 80 kaso ng monkeypox sa 11 bansa habang iniimbestigahan ang 50 iba pa.

Nagbabala ito na “mas marami ang malamang na maiulat” habang lumalawak ang pagsubaybay.

Noong Biyernes, kinumpirma ng Netherlands at Paris ang kanilang mga unang kaso ng monkeypox.

Ang mga sintomas ng monkeypox ay kadalasang kinabibilangan ng lagnat, matinding pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, pananakit ng likod, mababang enerhiya, namamagang lymph node at pantal sa balat o mga sugat. Jocelyn Tabangcura-Domenden