Border control ipinatupad sa Bohol sa ASF cases sa Cebu

Border control ipinatupad sa Bohol sa ASF cases sa Cebu

March 16, 2023 @ 7:04 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nagpatupad na ng istriktong border control sa mga produktong baboy ang probinsya ng Bohol kasunod ng mga naitalang kaso ng African Swine Fever sa kalapit-probinsya na Cebu.

Sa Tagbilaran port, naglagay na ng K9 unit na susuri sa mga produktong karne ng baboy na isinisilid sa mga bag.

Nitong Huwebes, Marso 16, kinumpiska ng mga awtoridad ang ilang piraso ng lechon Cebu, processed pork meat, pancit at pasta na naglalaman ng baboy, hopiang baboy at pork siomai.

Mula naman noong nakaraang linggo, nakakumpiska na rin ang mga port inspector ng nasa 30 kilo ng baboy na karamihan ay dala ng mga pasahero mula Cebu.

Hindi kasi batid ng ilang turista, partikular na ang mga dayuhan, na may umiiral na ASF protocols sa lugar at karamihan sa mga baon nilang pagkain ay nagtataglay ng baboy.

Dahil dito ay nagkakaroon ng random inspection ang mga lokal na opisyal sa hand carry bags ng mga pasahero.

Ayon kay Bohol Veterinary Quarantine Inspector Liliosa Bulias, binuo ang task force laban sa ASF noong mga nakaraang buwan.

“When the ASF was confirmed in Cebu last week, we became stricter and use K9 units. The cases are already near because it is already in Cebu. Bohol is now being surrounded,” ani Bulias. RNT/JGC