Border restriction vs XBB, XBC variant tinutulan ng DOH

Border restriction vs XBB, XBC variant tinutulan ng DOH

October 19, 2022 @ 10:02 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Tinutulan ng Department of Health (DOH) ang suhestyon na maghigpit ulit sa pagpasok at paglabas ng bansa o border restriction matapos ang pagkakatuklas ng 81 kaso ng XBB omicron subvariant at 190 kaso ng XBC variant.

“The lifecycle of a virus, kasama na diyan ang mutations and new variants. Handa ang sistema kung tataas ang mga kaso. Bagama’t may mga bagong variants, nakikita natin that we are managing hospital admissions. Hindi nao-overwhelm ang mga ospital,” sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire.

Idiniin din ni Vergeire na nakabuo na ang bansa ng maayos na pamamaraan at health protocol upang maiwasan ang surge sa mga kaso ng COVID-19.

“Hindi puwedeng tayo ay nagbubukas-nagsasara … ng borders ngayong panahon ng at sitwasyon natin ngayon two years going through this pandemic. Kailangan we should all live with the virus at marunong tayo mag-adopt kung ano man ang sitwasyon,” paliwanag pa niya.

Sa kabila nito, sinabi rin ng DOH na inaasahan nilang tataas ulit ang kaso ng sakit dahil sa pagkakatuklas ng XBB subvariant at XBC variant.

Maliban pagkontra ng ahensya sa border restriction, suportado naman nito ang pagpapatuloy ng face-to-face classes sa mga paaralan sa kabila ng bantang ito.

Sa huling ulat, wala pang naitatalang nasawi dahil sa XBB subvariant samantala meron namang lima katao ang nasawi dahil sa XBC variant. RNT/JGC