Lipa City – Isang botika sa Lipa City Public Market sa Batangas ang ipinadlak ng Food and Drug Administration (FDA) matapos na mabuking na nagbebenta ito ng mga pekeng over-the-counter (OTC) medicines.
Ayon kay Ret. Police Gen. Allen B. Bantolo, hepe ng FDA Regulatory Enforcement Unit (REU), isinarado nila ang Noemi’s Pharmacy, na pagma-may-ari ni Noemi Hernandez matapos matatagpuan sa ikalawang palapag ng Lipa City Public Market na ito ay nagbebenta ng counterfeit Unilab products, tulad ng Mefenamic Acid Dolfenal 500 mg Tablets, bukod pa sa pag-o-operate ng walang personal supervision ng isang rehistradong pharmacist.
Ang pagpasasara sa naturang botika ay kasunod na rin nang natanggap na intelligence reports ng FDA noong Abril 19, 2018 hinggil sa illegal na aktibidad nito.
Nakumpirma naman ng FDA ang naturang report sa isinagawang surveillance at test buys, kaya’t humingi ng sertipikasyon mula kay Francheliza Cabarle, Unilab QA Officer, na katibayan na peke talaga ang Mefenamic Acid na ibinibenta nito.
Nabatid na ang Mefenamic acid ay isang nonsteroidal anti-inflammatory drug na nagbabawas ng hormones na nagdudulot ng pamamaga at pananakit ng katawan, ngunit maaaring magdulot ng pagdurugo ng tiyan at mga bituka, at nagdaragdag ng panganib na magkaroon ng fatal heart attack kung gagamitin ng pangmatagalan ay may mataas na doses.
“Pursuant to Section 6 (b) of Republic Act 8203 or Special Law on Counterfeit Drugs, an order of preventive closure for the period of 30 days upon receipt of the FDA’s Memorandum of Evidence (MOE) was effected or implemented,” ani Bantolo.
Bago naman tuluyang ipinadlak ang botika, inatasan na rin ng FDA si Hernandez na alisin ang mga cash sales, mga dokumento, mahahalagang gamit, perishable goods at mga biological drug products, at patayin ang main electrical switch ng botika.
Ang pagpa-padlak sa tindahan ng gamot ay sinaksihan ng mga miyembro ng Lipa City PNP Office at maging ng mga tauhan ng botika.
Si Hernandez ay sasampahan rin ng FDA-REU ng mga kasong criminal dahil sa paglabag sa Section 6 (b) ng Republic Act 8203 o Special Law on Counterfeit Drugs. Macs Borja