BPI glitch naresolba na

BPI glitch naresolba na

January 5, 2023 @ 7:01 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Naayos na ang nangyaring bank glitch nitong Miyerkoles, ayon sa Bank of the Philippine Islands (BPI) kung saan matagumpay na naresolba ang double transaction posting na nangyari noong Bagong Taon.

“We are pleased to inform you of the successful resolution of the duplicate transactions on affected BPI accounts,” saad sa abiso ng BPI alas-6 ng gabi ng Enero 4.

Sa kabila nito, ipinabatid naman ng BPI na maaaring patuloy na problema sa pag-access sa mga platform ng web at mobile application nito dahil sa dami ng mga katanungan sa mga online banking channel nito.

Nauna nang sinabi ng bangko na kabilang sa double transaction posting ay mga ginawa sa pamamagitan ng automated teller machines (ATMs), cash accept machines (CAM) deposits, at point of sale at e-commerce debit transactions mula Disyembre 30 hanggang Disyembre 31, 2022.

Sinabi naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nakikipagtulungan sila sa BPI, kung saan inatasan nitong magsumite ng timeline at mga update sa pagbaliktad ng mga maling transaksyon.

“The Bank already identified the root cause of the operational error and committed to reverse the erroneous transactions and restore mobile and internet banking services the soonest possible (time),” saad pa.

“Pagkatapos ng aming imbestigasyon, tutukuyin namin ang naaangkop na aksyon na gagawin sa BPI,” ani BSP Deputy Governor Chuchi Fonacier. RNT