BPO mas palaguin kaysa POGO – Zubiri

BPO mas palaguin kaysa POGO – Zubiri

October 12, 2022 @ 3:47 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Mas nais pa ni Senate President Juan Miguel Zubiri na palaguin na lamang ang industriya ng business process outsourcing (BPO) sa bansa kaysa payagan ang operasyon ng offshore gaming o POGO.

“Kung ako lang, palakasin na lang natin ulit ang BPO sector,” sinabi ni Zubiri sa panayam ng DZBB nitong Miyerkules, Oktubre 12.

Idinagdag niya na dati, nangunguna ang Pilipinas sa BPO global market nang bigla na lamang itong maungusan ng Vietnam at India.

“Palakasin na lang natin ang BPO sector. Pilipino pa ang hiring nun at ang makikinabang ay Pilipino din. ‘Yan ang mas magandang tignan at siyempre, yung Turismo na posibleng mawala sa atin kung tuloy-tuloy po itong industriya ng [Philippine Offshore Gaming Operators],” aniya.

Nitong Martes, Oktubre 11 ay sinabi ni Senator Sherwin Gatchalian na maaaring irekomenda na lamang ng Senate Ways and Means Committee kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang dahan-dahan pagpapaalis sa POGO at pag-imbita naman sa industriya ng BPO na pumalit dito.

Paghahayag din ni Zubiri, marami sa mga senador ang ayaw sa POGO ngunit kailangan muna nilang hintayin ang opisyal na ulat ng komite tungkol sa pros and cons ng POGO industry sa bansa.

Kasama sa kanilang ikinokonsidera ay ang katotohanan na mismong ang China ay hindi pabor sa POGO, kabilang na ang krimen na kaugnay nito at epekto sa employment ng mga Filipino.

Kung itutuloy din umano ng Chinese government ang pagpapaiwas sa Pilipinas na puntahan ng mga mamamayan mula China ay maaaring mawalan ang bansa ng nasa 2-milyon turista.

“Parang napakahirap din pong balewalain ang pakiusap ng isang bansa tulad ng Tsina sa atin, bilang host country ng POGO. Isa po itong possible foreign relations issue and I think, that should be also answered by the President, dahil siya po ang head ng ating foreign policy. Kaya napakahalaga na mapakinggan din ni Presidente ang pros and cons,” ani Zubiri. RNT/JGC