Breast cancer, maiiwasan sa ika-34 linggo ng pagbubuntis

Breast cancer, maiiwasan sa ika-34 linggo ng pagbubuntis

October 24, 2018 @ 11:53 AM 3 years ago


 

Paris – Dumadaan sa kakaibang pagbabago ang katawan ng mga babae sa bawat linggo ng pagbubuntis na nakababawas sa banta ng pagkakaroon ng breast cancer sa hinaharap, ayon sa mga scientist nitong Martes.

Sinasabi sa mga naunang pag-aaral kung paano nababawasan ng mga babaeng edad 30 pababa ang banta ng pagkakaroon ng breast cancer sa pamamagitan ng panganganak.

Gayunpaman, ayon sa mga eksperto na nagsagawa ng panibagong pag-aaral sa Denmark at Norway, natuklasan nila kung anong partikular na linggo nagaganap ang nasabing pagbabago.

“If you deliver a child at week 33 you get the child, which is great, but you don’t get the bonus of having a lower risk of breast cancer for the rest of your life,” ayon kay Mads Melbye, mula sa University of Copenhagen’s Department of Clinical Medicine at lead author ng study.

“It’s a very distinct change in risk when you go from week 33 to week 34.”

Ang tipikal na pagbubuntis ay nagtatagal ng 40 linggo at ang baby na ipinanganak bago mag-37 linggo ay kinokonsidera bilang premature.

Sinuri ni Mlbe at ng kaniyang team ang database ng halos apat na milyong babae sa Denmark at Norway sa nakalipas na 40 taon.

Inilista ng mga researcher ang edad kung kailan sila nanganak, gaano katagal ang pagbubuntis at kung nagkaroon ba ang mga ito ng breast cancer.

Dito natuklasan na ang mga babaeng nanganak matapos ang 34 linggo ay mayroong average na 13.6% na mas babang tiyansa ng pagkakaroon ng breast cancer kumpara sa mga babaeng hindi nanganak.

Para naman sa mga nanganak ng mas maaga ng isang buwan, ang pagbawas ng tiyansa sa pagkakaroon ng breast cancer ay 2.4% lamang.

Ayon kay Melbe, ang nagbabago sa babae sa ika-34 na linggo na nagging dahilan ng pagbaba ng tiyansa ng pagkakaroon ng breast cancer ay hindi pa rin tukoy.

“We don’t know what that is, but knowing that you have to get to this point of the pregnancy makes it much easier for researchers to focus because we have to know what happens around that week to understand this,” ayon sa kaniya.

Posible umanong nagbibigay ng signal ang katawan ng babae sa ika-34 na linggo ng pagbubuntis upang palakasin ang immunity laban sa environmental causes ng breast cancer.

“To the best of our knowledge it must have something to do with a specific biological effect that the cells reach at 34 weeks.”/Remate News Team