Brgy. captain, 6 iba pa tiklo sa illegal quarry ops

Brgy. captain, 6 iba pa tiklo sa illegal quarry ops

October 7, 2022 @ 4:25 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pitong indibidwal ang inaresto ng mga ahente ng NBI – Environmental Crime Division (EnCD) dahil sa illegal quarry sa bulubunduking bahagi ng Tarlac City kasama ang isang Barangay Chairman na umano’y pasimuno.

Ayon sa NBI, nagsagawa ng serye ng survellaince operations noong Setyembre upang makumpirma ang quarry operations sa Barangay Sta. Maria ng naturang lungsod.

Nalaman din na wala silang inaprubahang permits para sa operasyon ng quarry nang beripikahin ito sa lokal na pamahalaan at Department of Environment and Natural Resources.

Katuwang ng mga tauhan ng DENR-MGB Region III, ang NBI ay nagkasa noong Oktubre 3 ng operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto kina Barangay Captain Albert Mercado na umano’y tagapamahala sa iligal na quarry operation at kaniyang barangay councilor na si Arturo Dela Cruz, na nagsisilbi namang checker.

Kasama ring naaresto sa operasyon ang mga tauhan na sina Joel Santos, Jesus Santos, Jessie Santos, Jonathan Santos at Jerry Espinosa.
Nakumpiska sa kanila ang isang payloader at apat na trak na may kabuuang halagang P1.8 milyon.

Narekober rin ang mga delivery receipts na nagpapakita na ang mga nakukuhang mga mineral sa quarry ay idinideliber nila sa mga lalawigan ng Cavite, Batangas, Pampanga, Nueva Ecija at iba pang lugar.

Lumitaw din sa imbestigasyon na ang kinikita sa quarry operations ay pinaghahatian ng mga ito at ng ilan umanong tiwaling tauhan ng Pamahalaan Panlalawigan sa 60:40 ratio na hatian.

Nabatid pa na ang Royal Crown Monarch Inc., isang kumpanya na kinontrata ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa konstruksyon ng mga proyekto sa Tarlac City ay kumukuha ng mga materyales sa iligal na quarry.

Sinampahan na ng mga kasong paglabag sa Section 103 (Theft of Minerals) ng RA 7942 o ang “Philippine Mining Act of 1995″ ang mga nadakip sa Tarlac City Prosecutor’s Office habang patuloy ang imbestigasyon sa lalim ng pagkakasangkot dito ng mga tauhan ng pamahalaan. Jocelyn Tabangcura-Domenden