Briton, ‘guilty’ sa tangkang pagpatay kay Prime Minister Theresa May

Briton, ‘guilty’ sa tangkang pagpatay kay Prime Minister Theresa May

July 19, 2018 @ 11:14 AM 5 years ago


 

London, United Kingdom – Napatunayang guilty ang isang Briton kahapon (July 18) sa tangkang pagpatay kay Minister Theresa May, una sa pamamagitan ng pagpapasabog sa opisina nito sa Downing Street at pangalawa ay gamit naman ang kutsilyo o baril para atakihin ang Prime minister.

Nahatulan ang Briton na kinilalang si Naa’imur Rahman, 20-anyos, mula sa hilaga ng London,  sa korte ng Old Bailey dahil sa kaniyang planong magsagawa ng terorismo.

Planong pasabugin ni Rahman ang isang improvised explosive device sa gate ng Downing Street upang makapasok sa opisina ni May habang nagkakagalo upang patayin ito, ayon sa ulat ng mga pulis.

Sa No. 10 Downing Street matatagpuan ang opisyal na tirahan at opisina ng mga prime minister. Ito ay mahigpit na binabantayan ng mga gwardiya habang sa gate naman sa dulo ng street nagtitipon ang publiko at turista upang Makita ang bahay.

“We are talking about an individual that would have killed, injured and maimed a number of people including police officers and members of the public,” sabi ni  Dean Haydon, pinuno ng Metropolitan Police’s Counter Terrorism Command.

Nakaranas ng apat na nakakamatay na atake ang Britain noong nakaraang taon at ayon pa sa pinuno ng domestic spy agency MI5, noong May ay nakapagtala sila ng ng 12 na Islamist plots na siyang napigilan nila.

Napigilan ang tangkang pagsalakay sa Downing Street matapos paniwalaan ni Rahman na siya ay sumasagot online sa mga mga miyembro ng militanteng grupo ng Islamic State (IS) habang nagpaplano ng umanong pag-atake, ngunit sa totoo, siya ay nakikipag-usap sa mga opsiyal mula sa U.S. Federal Bureau of Investigation at MI5 Security Service ng Britain.

Naaresto si Rahman noong November ilang sandali lamang nang makaipagkita sa undercover na opisyal bilang IS members kung saan nakarekober ang mga operatiba ng dalawang dummy explosive devices.

Ayon kay Haydon, sinabi ni Rahman na siya ay nakikipag-usap sa kaniyang tiyo na nagpunta sa Syria at sumali sa IS at kalaunan ay hinkayat siyang magsagawa ng pag-atake sa Britain.

Dalawang taon nang pinagpla-planuhan ni Rahman ang pag-atake kung saan lalong lumala ang kagustuhan niyang maisagawa ang pag-atake matapos mapatay ang kaniyang tiyo sa isang drone attack, dagdag pa ni Haydon. (Remate News Team)