BRP Gabriela Silang, balik-Maynila na mula Batanes

BRP Gabriela Silang, balik-Maynila na mula Batanes

December 12, 2022 @ 12:20 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Ligtas na nakarating sa Maynila ngayong umaga ang isang barko ng Philippine Coast Guard (PCG), ang BRP Gabriela Silang (OPV 8301) mula sa Batanes.

Sakay ng barko ang contingent ng Batanes mission o ang Task Force Kaligtasan sa Karagatan (TFKsK) na nagkabit ng apat na navigational lantern sa Ivana Lighthouse na nagsisilbi rin bilang “tourist attraction” sa probinsya.

Partikular na ikinabit ang apat na navigational lantern sa Sabtang, Mahatao, Valanga, at Ivana.

Sa arrival ceremony ng BRP Gabriela Silang (OPV 8301) pinasalamatan, pinuri at pinarangalan ni PCG Commandant, CG Admiral Artemio M. Abu ang PCG TFKsK dahil sa kanilang katapangan at matagumpay nilang misyon sa Batanes.

Layon ng magkakabit at pagsasaaktibo ng navigational lanter sa walong lighthouses sa nasabing baybayin na makatulong sa pagtataguyod ng seguridad at kaligtasan ng mga bangka at barko na naglalayag sa katubigan ng Batanes.

Ayon kay Abu, kabuuang walong lighthouse ang isinaaktibo ng PCG kung saan apat dito ang bagong kinabitan ng navigational lantern, 2 ang nirehabilitate at dalawa rin ang binuhay dahil sa mga napunding mga ilaw.

Ang Batanes ay nakakalat sa 4,500-square-kilometer na tubig, ang Luzon Strait at Balintang Channel, mga sea lane sa pagitan ng Pilipinas at katimugang bahagi ng Japan, China, Hongkong, at Taiwan. Jocelyn Tabangcura-Domenden