Brussels trip ni PBBM nairaos kahit paos

Brussels trip ni PBBM nairaos kahit paos

December 16, 2022 @ 10:28 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Dahil sa malamig na panahon sa Belgium kaya’t naapektuhan ang boses ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa katunayan, hindi nakadalo si Pangulong Marcos sa “coffee meeting” kasama ang mga miyembro ng media matapos siyang sipunin.

Sa kabila nito, itinuloy pa rin niya ang pakikipagpulong sa mga business executives at dumalo sa ASEAN-EU Commemorative Summit, araw ng Miyerkules, Disyembre 15.

Sa pagdating ng Pangulo sa bansa, kaagad na iniulat nito ang natanggap ng Pilipinas na P9.7 bilyon na halaga ng investment pledges matapos ang kanyang interaksyon sa Belgium.

“Ang naging downside lang ay nakakahiya dahil ang Presidente ninyo ay nagsasalita, ako papiyak piyak ako. Pero naintindihan naman daw nila,” ayon sa Pangulo.

“Sabi ko kasi sorry na lang, yung mga winter ninyo, eh hindi bagay sa mga Filipino ‘yan. Kaya ako nagkaganito,” dagdag na pahayag nito.

“I am delighted that my first visit to Europe in Brussels, in particular which has the seals of the European Commission, the Council of the European Union, is a success and I can see the outcomes of this visit will generate opportunities for the benefit of Filipino people,” ayon pa kay Marcos. Kris Jose