BSKE postponement, anti-democratic – Kabataan

BSKE postponement, anti-democratic – Kabataan

October 14, 2022 @ 10:14 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinalagan ng Kabataan party-list ang desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pirmahan ang panukalang magpapaliban sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Disyembre 2022.

Sa isang statement nitong Huwebes, Oktubre 14 sinabi ng Kabataan party-list na hakbang laban sa demokrasya ng bansa ang BSKE postponement at inaalisan ng pagkakataon ang mga kandidato (lokal man o kabataan) na nais tumakbo sa posisyon at mapabuti ang komunidad.

“Ang pagpapaliban sa halalan ay salungat sa gobyernong tapat at mabuting pamamahala na matagal nang nais makamit ng kabataang Pilipino. Tila pinapatunayan ng kasalukuyang administrasyon ang pagsunod sa yapak ng mga nakaraang diktadura sa pag-paantala ng halalan,” ani Mia Angela Simon, vice president for Luzon ng naturang party-list.

Dagdag pa, pinahahaba lamang ng postponement ang problema ng ilang mga barangay sa kanilang mga namumuno.

“Kaya naman, ngayon higit kailan man, kailangan nating tumindig at ipaglaban ang batayang karapatan sa pagboto at paghahalal sa mga karapat dapat na pinuno. Paigtingin pa natin ang voter’s registration at partisipasyon ng kabataan sa politika at pampublikong serbisyo,” aniya.

“Sa kapwa lider-kabataan lalo sa mga nasa Sangguniang Kabataan, hamon sa atin na tunay na maglingkod sa bayan sa pagtagumpay ng politika ng pag-asa, pakikibaka at mabuting pamamahala,” dagdag pa nito.

Matatandaan nitong Miyerkules, Oktubre 12 iniulat na pinirmahan na ni Pangulong Marcos ang Republic Act No. 11935 na maglalagay ng barangay at SK elections mula Disyembre 2022 patungong Oktubre 2023. RNT/JGC