BSKE postponement ‘di banta sa demokrasya – Comelec

BSKE postponement ‘di banta sa demokrasya – Comelec

October 5, 2022 @ 3:59 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Commission on Elections o Comelec na hindi banta sa demokrasya ang ilang beses nang pagpapaliban ng barangay at Sangguniang kabataang election sa bansa.

Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Commission on Elections o Comelec Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, na ang pagpapaliban ng halalang pambarangay at SK ay pinapayagan sa ilalim ng Article 10 ng 1987 Constitution.

Binigyaan diin din ni Laudiangco na pagdating sa usaping politikal, ang Comelec ay tagapagpatupad lamang at ang usaping politikal ay kanila nang ipinapaubaya sa Kongreso o Ehekutibo partikular sa pagpapaliban ng eleksyon.

Ayon kay Laudinagco, hindi masasabing “threat” o banta sa demokrasya ang pagpapaliban ng Barangay at SK polls dahil hindi naman ito ilalagay na “framers” ng Saligang Batas kung ito ay banta sa demokrasya.

Iginagalang aniya ng poll body ang Kongreso na isinusulong ang pagpapaliban ng halalang pambarangay at SK, dahil sa COVID-19 pandemic.

“May mga budget na hindi na-release since all [of the allocation] was dedicated to the COVID-19 pandemic response,” pahayag pa ni Laudingco

Masasabi rin aniyang personal ang isyu ng Barangay at SK kaya mataas ang emosyon ng mga tao dahil ang proseso ay masyadong nakaugat sa bahay at sa pamayanan.

Sinabi ni Laudinagco na mula 2018 ay ikatlong pagkakataon na ngayon ang postponement ng barangay at SK elections sakaling lagdaan ni Pangulng Ferdinand Marcos Jr ang pagpapaliban ng 2022 BSKE. Jocelyn Tabangcura-Domenden